The Philippine Star : Wala nang balakid para kay BBM

12 February 2022

By BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas | The Philippine Star

TULOY na tuloy na ang pagtakbo ni Bongbong Marcos sa pagka-presidente dahil ibinasura ng Commission on Election (Comelec) 1st Division ang disqualification case na isinampa sa kanya.

Sa botong 2-0, ibinasura nina Comelec Commissioner Aimee Ferolino, ponente sa kaso at Comm. Marlon Casquejo ang mga kasong disqualification laban kay BBM dahil sa kawalan ng merito.

Binibigyan naman ng limang araw ang mga petisyuner na kinabibilangan ng Akbayan Citizens’ Action Party, Martial Law survivor Bonifacio Ilagan at Abubakar Mangelen na dating chairman ng Partido Federal ng Pilipinas para iapela ang desisyon.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, nangibabaw ang rule of law sa inilabas na desisyon ng Comelec at labis itong ipinagpapasalamat ng mga tagasuporta ni BBM. Sinabi pa ni Rodriguez, nabunutan sila ng tinik dahil wala nang balakid sa kandidatura ni BBM.

Ayon pa kay Rodriguez, tama na ang bangayan at sama-samang harapin ang bukas na may taglay na pag-asa at pagkakaisa para sa malinis at maayos na election sa Mayo.. “We are extending our hand of unity even to the fiercest of adversaries and invite them to work together in ensuring clean, fair, and credible elections as our initial collective contribution towards nation-building for the future of our people, the Filipino children and the youth, and for our beloved Philippines to move forward,” ani Rodriguez.