The Philippine Star : Tuloy ang halalan sa 2022 - Comelec

News & Interviews
4 May 2021

By Danilo Garcia | The Philippine Star

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy ang pagsasagawa ng Presidential Elections sa Mayo 9, 2022 kahit na hindi pa nakakamit ng Pilipinas ang tinatawag na “herd immunity” laban sa COVID-19.

“We have started our countdown dahil alam natin na matutuloy ang halalan. Walang dahilan para hindi matuloy ang halalan,” ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez.

Sa kasalukuyan, wala pa sa 1% ng populasyon ang may kumpletong bakuna na. Maaabot lamang ang herd immunity kapag nabakunahan na ang 70% ng populasyon ng bansa.

Kabilang sa mga pagbabagong gagawin ng Comelec ay ang pagdaragdag ng mga voting precincts. Plano nilang itaas ito sa 110,000 mula sa 84,000 na ginamit noong 2019 elections. Ito ay upang mabisang maipatupad umano ang ‘physical distancing protocol’.

Palalawakin din ang sakop ng ‘absentee voting’ sa mga may kapansanan at senior citizens para hindi na sila magpadagdag ng bilang pagdating sa araw ng halalan. Dating ibinibigay lamang ito sa mga tauhan ng pamahalaan na nagseserbisyo tuwing halalan at mga miyembro ng media.

Sinuspinde muna ng Comelec ang voter registration sa NCR hanggang Mayo 14.