The Philippine Star (Pang-Masa) : VP Leni at Sen. Kiko, tablado kay Bishop Dael!

14 March 2022

By DIPUGA - Non Alquitran | The Philippine Star (Pang-Masa)

HINDI pala lahat ng pari ay suportado ang tandem nina Vice President Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan sa darating na May election. Kapag nirebisa mo kasi ang social media, makikita ang mga litrato ni VP Leni na nagdadasal sa loob ng simbahan o binabasbasan ng mga pari na ang dating ay buong simbahan ang sumuporta sa kanila ni Sen. Kiko.

Subalit hindi pala! Kasi nga kumalat din sa social media na tinanggihan ni Bishop Raul Dael, ng Diocese of Tandag, ang hinihingi na private meeting ng VP Leni at Sen. Kiko tandem, maging ang pagsuot nito ng pink na face mask. Araguuyyyyy!

Nilinaw ni Bishop Dael na hindi lahat sa Tandag ay maka-pink. “Kaming mga pari, gusto n’yo kaming bigyan ng pink na face mask but we maintain that the church will not be endorsing someone but we will be accompanying our people so that their choice will always be based on principle at hindi dahil sa pera,” anang Arsobispo. Mismooooo! Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan, di ba mga kosa? Dipugaaaaa!

Ipinaliwanag ni Bishop Dael na wala s’yang iniendorsong partikular na kandidato. Subalit kapag nagsadya sa kanyang parokya ang iba pang presidentiables tulad nina Bongbong Marcos, Ping Lacson at Manny Pacquiao ay tatanggapin n’ya ito bilang Kristiyano. “We are non-partisan, but we can never be neutral when it comes to lies and truth. We do welcome the other candidates as this is part of our discernment process,” ayon kay Bishop Dael. Tumpak! Dipugaaaaa!

Ang tambalang Pinklawan ay nagtungo sa Surigao del Sur para sa kanilang dalawang araw na campaign sorties. Humingi sila ng “private meeting” kay Bishop Dael, ngunit sa halip na pagbigyan sila ay nagdesisyon ang huli na pangunahan ang isang Misa sa San Nicolas de Tolentino Cathedral. Nasa misang iyon ang iba pang pari, madre, lay ministers, pastor at mga mangangaral mula sa United Church of Christ of the Philippines, Iglesia Filipina Independiente, gayundin si United Church of Christ in the Philippines Bishop Modesto Villasanta.

Sinabi ni Bishop Dael na bibihirang magkasama-sama ang mga pari at ministro ng iba’t ibang Christian denominations. Sa mismong misa na ‘iyon tinabla ni Bishop Dael ang kahilingan ng VP Leni at Sen. Kiko tandem kaya’t walang duda na napahiya sila. Araguuyyyyy! Hak hak hak! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?

Hayagang sinabi ni Bishop Dael kina VP Leni at Sen. Kiko na hindi lahat ng nasa Tandag Catholic diocese ay “pink”. Aniya, mas marami sa kanila ang hindi pa nagdesisyon kung sino ang iboboto sa darating na Mayo. Ang sitwasyong ganito, ayon kay Bishop Dael, ay hindi rin maaaring mane-negotiate ng kahit sino dahil binibigyan nila ng kalayaan ang mga parukyano niya na makapili ng napipisil nilang kandidato.

Ipinaliwanag pa ni Bishop Dael na ang mga lider ng simbahan ngayon ay nakakikita ng mga bagong henerasyon ng botante na tumitingin sa plataporma de gobyerno at nagsasaliksik ng tunay na impormasyon para maging giya nila sa pagpili ng ibobotong kandidato tungo sa pag-unlad ng Pinas. Higit lalo, ayon pa kay Dael, ay mas pinapanigan niya ang mga kandidatong hindi lamang isang anino o dumadalaw lamang sa tuwing kampanyahan, kundi mas kahanga-hanga aniya ang mga opisyales ng pamahalaan na sa anumang sakuna o trahedya ay palaging nakadamay sa kanila. Tumpak! Abangan!