The Philippine Star (Pang-Masa) : Panggugulo, pagtatanim ng galit tigilan na — Marcos camp

By Joy Cantos | The Philippine Star (Pang-Masa)

MANILA, Philippines — “Tigilan na ang panggugulo, pagpupunla ng galit na lumilikha lamang ng pagkakawatak-watak ng mga Pilipino.”

Ito ang apela ng kampo ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga petitioner ng disqualification case upang makausad na ang bansa.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, Chief of Staff at Spokesman ni Marcos, dapat na matutunan ng mga kinauukulan na respetuhin ang kagustuhan ng mayorya na siyang bumoto kay Marcos at kanyang run­ning mate na si Vice President-elect Inday Sara Duterte sa ginanap na pambansang halalan sa bansa noong Mayo 9.

Inihayag ni Rodriguez hindi pa nila natatanggap ang kopya ng petisyon na isinampa sa Supreme Court upang makansela ang Certificate of Candi­dacy (COC) ng presumptive President kung saan hiniling ng grupo na mag­labas ng Temporary Restraining Order (TRO) upang mapigilan ang pagbibilang ng boto at pagpoproklama kay Marcos bilang nanalong presidential bet sa halalan.

Ipinunto rin ni Rodriguez na ang mga disqualification cases laban kay Marcos ay unanimously dis­missed na ng Commission on Elections, parehong sa division at en banc level.

Nanawagan din siya sa mga petitioners na ha­yaang makapagtrabaho si Marcos at ang kanyang magiging administrasyon sa halip na maglaan ng oras para intindihin pa ang hindi makamove-on na galit ng mga kritiko sa mga kasalanang wala namang kinalaman si Marcos.

Sinabi naman ni Come­lec Commissioner George Garcia na sa ilalim ng Comelec rules, ang mga nanalong kandidato sa ginanap na 2022 election na may mga nakahain pang disqualification cases ay maari pa ring maiproklama kung walang magbabawal sa poll body na gawin ito at kung wala ring makakapi­gil para sa kanilang proklamasyon.