The Philippine Star (Pang-Masa) : Marcos sa mga tao: Magpa-booster shot para wala nang lockdown

27 April 2022

By Joy Cantos - Pang-masa | The Philippine Star (Pang-Masa)

MANILA, Philippines — Hinikayat ni UniTeam presidential frontrunner Ferdinand “ Bongbong “ Marcos Jr., ang mga tao na magpa-booster shot na laban sa COVID-19 upang wala ng iimplementang lockdown at tuluyang umusad ang ekonomiya.

Ayon kay Marcos, sakaling palarin siya sa darating na May 9, 2022 national election ay isusulong niya ang mga programa para tuluy-tuloy na makaahon ang ekonomiya ng bansa na pinadapa ng pandemya.

“Nasa krisis pa rin tayo ng pandemya at mukhang di matapos-tapos. Kaya’t papayuhan ko din kayo na mga qualified magpa-booster shot, magpa-booster shot na kayo para hindi na natin kailangan isipin ang mga lockdown dahil ayaw na natin magka-lockdown dahil masyadong naghihirap ang tao,” pahayag ni Marcos.

Sinabi ni Marcos na dapat alagaan ng mga tao ang kanilang mga sarili para hindi tamaan ng ­COVID-19 at ng sa ganitong paraan ay makapagtrabaho muli at magpatuloy ang pagrekober ng bansa.