By Joy Cantos | The Philippine Star (Pang-Masa)
MANILA, Philippines — Isa sa mga prayoridad ng bagong administrasyon ang pagbangon ng bansa sa krisis.
Kaya naman ay naghahanda na para pumili ng kaniyang mga appointees at economic managers si President elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Samantala, kabilang naman sa mga pinag-uusapan ay ang mga miyembro ng gabinete na bubuo sa administrasyong Marcos.
Sinabi ni Marcos na magtratrabaho siya kasama ang kaniyang mga Executive Committee na tumulong sa kaniyang kampanya at maging ang mga eksperto sa field para mailagay ang tamang opisyal sa puwesto.
Aniya, isasaalang-alang niya ang kakayahan at kahandaan ng mga itatalagang opisyal sa kaniyang administrasyon para makatiyak na tanging karapat-dapat ang maluluklok para sa maayos at tumpak na serbisyo publiko maging anuman ang paniniwala ng mga ito sa pulitika.
Nitong Miyerkules ng gabi ay inanunsyo ni Marcos ang pagtatalaga niya sa kaniyang running mate na si Vice presidential elect Sara Duterte bilang Department of Education Secretary.