The Philippine Star (Pang-Masa) : Marcos naglatag ng plano para mapababa ang singil sa kuryente

14 March 2022

By Mer Layson | The Philippine Star (Pang-Masa)

MANILA, Philippines — Naglatag ng plano ang UniTeam sa pangunguna ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., para sa mas malaliman at kongkretong solusyon at pag-aaral upang mapababa ang singil sa kuryente sa bansa.

Sinabi ni Marcos na tututukan ng kanyang pamumuno sakaling palarin na manalo sa darating na halalan ang produksyon, transmisyon at distribusyon ng kuryente sa bansa.

Plano ng kanilang UniTeam na paramihin ang mga energy resources sa bansa para masigurong hindi na kakapusin ng suplay tulad nang pagpaparami ng mga geothermal at hydroelectric power plant.

Gayundin ang pagpaparami at pagpapalakas ng mga solar at wind power na malaking tulong sa pagpaparami ng supply at pagbaba ng presyo ng kuryente.

Ang isa pa sa pagtutuunan nila ng pansin ay ang pagsusulong sa paggamit ng “Large Scale Battery Storage” na malaki ang tulong para mapreserba at hindi kapusin ng enerhiya o kuryente.

Naging matagumpay anya ang naturang teknolohiya sa ilang bansa tulad ng Europa, Australia at Estados Unidos.

Iginiit pa ni Marcos na hindi dapat kinukulang ng kuryente kaya dapat ay hindi mataas ang singil dito.

Iminumungkahi rin ni Marcos ang pag-aaral para buhayin ang Nuclear Power Plant na nauna nang itinayo ng kanyang ama na si dating Presidente Ferdinand Marcos Sr.