The Philippine Star (Pang-Masa) : Marcos manunumpa sa National Museum

By Malou Escudero | The Philippine Star (Pang-Masa)

MANILA, Philippines — Ang National Museum of the Philippines sa Maynila ang pinili ng kampo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na venue para sa panunumpa bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas sa Hunyo 30.

Sinabi ni Presidential Management Staff (PMS) secretary-designate Zenaida “Naida” ­Angping, nagsasagawa na ng ­paghahanda para rito upang matiyak ang “smooth inauguration” ni Marcos Jr.

Ang National Museum, dating kilala bilang Old Legislative Building, ay nagsilbing venue rin para sa inagurasyon nina da­ting Pangulong Manuel L. Quezon (1935), Jose P. Laurel (1943) at Manuel Roxas (1946).

Isa ito sa tatlong historical sites na nauna nang kinonsidera ng kampo ni Marcos bilang posibleng inaugural venues. Ang dalawang iba pa ay Quirino Grandstand at Fort Santiago.

Sa Quirino Grandstand isinagawa ang inagurasyon ng ama ni Marcos Jr. na si namayapang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., bilang pang-10 Pangulo ng bansa noong 1965.

Ayon kay Angping, hindi pinili ang Quirino Grandstand bilang venue para sa inagurasyon ni Marcos Jr., dahil sa napansin ng ocular inspection team na napaliligiran ito ng ilang field hospitals na hanggang sa ngayon ay may ina-accommodate na mga indibiduwal na infected ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).