The Philippine Star (Pang-Masa) : Marcos itinanggi ang ‘Tallano gold’ post sa socmed

26 January 2022

By Mer Layson | The Philippine Star (Pang-Masa)

MANILA, Philippines — “Sa buong buhay ko, hindi pa ako nakakita ng gold na ganyan. Marami ako kilala na kung saan saan naghuhukay pero ako wala pa akong nakikita na kahit anong klaseng gold na sinasabi nila.”

Ito ang pagtanggi ni presidential aspirant  Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.,tungkol sa  sinasabing Tallano gold na kumakalat sa social media na plano niyang ipamahagi ang mga ito sa taumbayan kapag siya’y nanalo sa darating na halalan sa Mayo.

 “Baka may alam sila, sabihan ako, kailangan ko yung gold. Wala pa akong nakikitang gold,” dagdag pa niya.

Ginawa ni Marcos ang pahayag upang pabulaanan ang ikinakalat ng kanyang mga tagasuporta sa social media na nagbayad ang royal Tallano family sa yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ng daan-daang toneladang ginto para sa kanyang serbisyo bilang abogado. Kahit ang website ang Kilusang Bagong Lipunan, ang partidong itinatag ng pamilya Marcos, ay naglalaman ng kuwento ukol sa Tallano gold.

Tinawag naman ni Senator Imee Marcos ang Tallano gold bilang “urban legend” sa isang panayam sa telebisyon.