The Philippine Star (Pang-Masa) : Marcos-Duterte inendorso ng El Shaddai

14 February 2022

By Mer Layson - Pang-masa | The Philippine Star (Pang-Masa)

MANILA, Philippines — Pormal ng inendorso ng pinakamalaking Catholic charismatic group sa bansa na El Shaddai, na may mahigit anim na milyong miyembro sa buong mundo, ang kandidatura ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at kanyang running mate na vice-presidential bet Inday Sara Duterte.

Naganap ang pagtataas ng kamay sa pangunguna ni El Shaddai founder Bro. Mike Velarde sa prayer meeting ng grupo nitong Sabado sa Amvel compound, Parañaque City matapos isigaw ng mga dumalo ng misa ang “Brother Mike, the choice is yours!”.

Ito ang unang beses na sa publiko mismo nagtaas ng kamay ang 82-anyos na lider at oras na para magkaisa ang mga Pilipino kaya’t ang BBM-Sara UniTeam ang kanilang napili.

Nilinaw din niya na hindi sila umaasa ng kahit anong kapalit sa kanilang pag-endorso kung sakaling mahalal ang UniTeam kundi ang kanilang nais ay ang kaunlaran ng bansa.