The Philippine Star (Pang-Masa) : KBL solido ang suporta kay BBM

18 April 2022

By Mer Layson - Pang-masa | The Philippine Star (Pang-Masa)

MANILA, Philippines — Hindi umano magbabago ang kanilang suporta kay presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., kasabay ng pagbibigay-linaw na wa­lang katotohanang inabandona na ito ng iba nilang miyembro, partikular na ang mga nasa Baguio chapter.

Ito ang tiniyak kahapon ng pamunuan ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) at binasa ni KBL vice president for Luzon Chris Garrido ang opisyal na paha­yag ng kanilang Partido at pinabulaanan nito ang mga naglabasang ulat na ilan sa kanilang Baguio chapter members ay inabandona na ang kandidatura ni Marcos.

Ayon naman kay Efren Rafanan Sr., KBL National President, nais nilang impormahan ang publiko na walang katotohanan ang napaulat na bumibitiw sila ng suporta kay BBM.

Nabatid na nitong nagdaang Miyerkules (April 13), ilang opisyal ng KBL-Baguio Benguet ang inim­bitahan para sa isang salu-salo kung saan ay sinabihan silang magdala ng appointment papers ng ilang kasamahan sa Partido at nabigla umano sila rito at walang nagawa nang ipangalandakan sa kanila ang ilang tarpaulin ni Isko Moreno.

Base sa inisyal na imbestigasyon na ginawa ni Chris Garrido, kumikilos ang kampo ni Moreno upang gapangin ang karamihan sa miyembro ng KBL na suportahan ang alkalde ng Maynila na isang desperadong aksiyon.