The Philippine Star (Pang-Masa) : Duque sa Marcos admin: Pagsusuot ng face mask, ituloy

By Ludy Bermudo | The Philippine Star (Pang-Masa)

MANILA, Philippines — Iminungkahi kahapon ng Department of Health (DOH) sa papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na dapat na ituloy ang mandato sa pagsusuot ng face mask.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, kahit ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 ay bumagsak na sa mas mababa sa 200 kamakailan ay kailangan ituloy pa rin ang mandato sa pagsusuot ng publiko ng face masks.

Sinabi ni Duque, sa isang panayam nitong Sabado na bukod sa pagbabakuna ng humigit-kumulang 70 milyong Pinoy laban sa COVID-19, ipapasa ng administrasyong Duterte sa susunod na administrasyon ang malaking masking compliance ng mga Pilipino.

Banggit ng kalihim, sa John Hopkins University na ang pagsunod sa masking mandate ng populasyon ay nasa 91% hanggang 96%.

“Let’s keep it at that. ‘Wag muna natin tanggalin ang ating mga mask lalo na nag-full capacity na ang transport sector, nag-full capacity na ang establishments,” aniya pa.

Aniya, sa kabila ng iba’t ibang super-spreader nitong nakalipas na halalan at ang paglitaw ng subvariants ng Omicron, hindi naman tumaas ang arawang kaso.