The Philippine Star (Pang-Masa) : BBM-Sara suportado ng malalaking political party

28 March 2022

By Mer Layson - Pang-masa | The Philippine Star (Pang-Masa)

MANILA, Philippines — Habang nalalapit ang araw ng halalan ay palakas nang palakas ang natatanggap na suporta ni presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos at running mate na si Inday Sara Duterte kaya’t patuloy din ang pagtaas ng tsansa nila para manalo.

Ito ang sinabi ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, dahil nagsama-sama na ang ilang pinakamalalaki at maimpluwensyang mga partido sa bansa para suportahan at papanalunin ang BBM-Sara UniTeam.

Ayon pa kay Rodriguez, nitong Huwebes, ay nagpahayag na rin ng suporta sa UniTeam ang National Unity Party (NUP), na itinuturing na isa sa pinakamalaking political party sa bansa.

Ayon kay NUP head Rep.Elpidio Barzaga ng 4th District of Cavite, ang panawagang pagkakaisa ni Marcos ay siya ring pangunahing adhikain ng kanilang partido.

Kamakailan din, ang political party ni Presidente Rodrigo Duterte na PDP-Laban sa pangunguna ni Energy Sec. Alfonso Cusi, ay nagpahayag na rin ng suporta sa kandidatura ni Marcos.

Nauna nang inendorso ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL), Hugpong ng Pagbabago (HNP), Pwersa ng Masang Pilipino (PMP), Reform Party (RP),Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Labor Party of the Philippines (LPP), at Partido Lakas ng Manggagawang Pilipino (PLMP) ang pormal na ring nagpahayag ng suporta sa UniTeam.