The Philippine Star (Pang-Masa) : BBM nanguna sa 40 lalawigan sa ‘Kalye Survey’

24 April 2022

By Joy Cantos - Pang-masa | The Philippine Star (Pang-Masa)

MANILA, Philippines — Nanguna si Partido Fe­deral ng Pilipinas (PFP) presidential candidate Fer­dinand “Bongbong” Marcos Jr., sa may 40 na lalawigan sa bansa sa isinagawang “Kalye Survey” ng mga respetadong polling firms.

Base sa Kalye Survey na inilabas ng SPLAT Com­munications, nakakuha si Marcos ng majority o top preference shares sa 40 sa 45 na mga lalawigan.

Isinagawa ang kalye survey hanggang Abril 20 sa 51 na lalawigan na may 150,063 mga respondents ngunit hinihintay pa ng SPLAT ang datos na magmumula sa Antique, Basilan, Batanes, Camiguin, Dinagat Islands, at Guimaras.

Sa kabuuang Kalye Survey, tatlong bahagi ang inilabas ng SPLAT kung saan sa unang episode ay nanguna si Marcos sa 13 mula sa 14 na lalawigan. Kabilang dito ay Agusan del Sur, Agusan del Norte, Aklan, Aurora, Abra, Apayao, Bataan, Bulacan, Batangas, Bohol, Bu­kidnon, Biliran, at Benguet.

Gayunman, sa Albay ay pumangalawa lang si Marcos sa katunggaling si Vice President Leni Ro­b­redo. Ang Bicol Region ay balwarte ni Robredo.

Ayon sa SPLAT, si Marcos muli ang nakakuha ng majority o top preference­ votes nang manguna ito sa 9 na lalawigan mula sa 13 na probinsya. Nakakuha siya ng pinakamataas na preference shares sa Cagayan na 96%, may 41% sa Capiz, Cavite, 61%; Cebu, 48%; Cotabato, 55%; Davao Del Oro, 48%; Davao Del Norte, 69%; Davao Del Sur, 66% at Davao Oriental, 55%.

Samantala, nangako ang mga gobernador, ma­yors o local chief executives (LCEs) at mga tradisyunal na lider sa Bangsamoro Auto­nomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na titiyakin nila ang “landslide victory” ni Marcos at running mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte sa May 9. Nangako rin sila na kanilang poprotektahan ang boto ng dalawa at hindi sila papayag na madaya sa BARMM Region.

Sa isang simpleng programa nitong Biyernes ng gabi sa Manila Hotel, lumagda ang mga opisyal ng BARMM ng isang “oath of commitment” para ipa­kita ang kanilang solidong su­porta kina Marcos at Duterte.