The Philippine Star (Pang-Masa) : 7K-8K Pulis idedeploy sa inagurasyon ni Marcos

By Ludy Bermudo | The Philippine Star (Pang-Masa)

MANILA, Philippines — Nakatakdang ideploy ang nasa 7,000 hanggang 8,000 pulis para sa nalalapit na inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30.

Sinabi kahapon ni Manila Police District (MPD) Director P/Brig. General Leo Francisco, na bukod sa 4,400 na personnel ng MPD, magdaragdag din ng deployment ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at ang PNP Headquarters.

“Ako ay bibigyan ng additional complement galing sa NCRPO at sa National Headquarters so we are looking about 7,000 to 8,000 police na puwede i-deploy that day,” aniya pa.

Tiniyak naman ni Francisco na sa ngayon ay wala silang namomonitor na pagbabanta na may kinalaman sa oath-taking ni BBM, na nakatakdang idaos sa National Museum of the Philippines.

Isasara sa daloy ng trapiko ang P. Burgos St. at Kalaw Avenue mula sa Taft Avenue hanggang Roxas Boulevard bunsod ng nasabing makasaysa­yang aktibidad.

Maglalabas rin aniya sila ng rerouting plan para sa mga motorista.

Nabatid na wala pang anumang rally na iniisyuhan ng permit ang lokal na pamahalaan ngunit ang mga nais magprotesta ay maaari umanong magdaos ng demonstrasyon sa mga itinakdang freedom parks.