Join the campaign (Learn More)

The Philippine Star : Pagluwag sa NCR magbibigay ng maraming trabaho - BBM

News & Interviews
8 November 2021

By Mer Layson | The Philippine Star

MANILA, Philippines — Malaki ang paniwala ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na mu­ling manunumbalik ang sigla ng ekonomiya at maglilikha ng maraming trabaho ang paglalagay ng pamahalaan sa mas maluwag na Alert Level 2 status sa Metro Manila.

Nauna nang nanawagan si Marcos na buksan na ang mga negosyo para makabawi at muling sumigla ang ekonomiya ng bansa.

“Nagpapasalamat po tayo sa pamahalaan sa mas maluwag na alert level status, dahil nakasisiguro tayo na mas marami itong make-create na trabaho at muli nang makakabawi ang ating ekonomiya,” pahayag ni Marcos.

Matatandaan na pu­malo na sa 8.9 percent ang unemployment rate sa bansa nitong Setyembre 2021, at ito ang itinuturing na pinakamataas ngayong taon.

“Umaasa tayo na marami pang negosyo ang magbubukas dahil sa maluwag na alert status at mas marami ang lumalabas na tao para tangkilikin ang mga negosyo,” dagdag ni Marcos.

Nanawagan din si Marcos sa publiko na tuluy-tuloy pa rin ang pagsunod sa mga health protocols sa kabila nang pagluluwag ng alert status sa bansa at hindi rin dapat magpakampante ang publiko kahit na patuloy na bumababa ang mga bilang ng tinatamaan ng Covid-19.