The Philippine Star : P20/kilong bigas posible sa 'unang bahagi ng 2023,' sabi ng DAR chief

By James Relativo | The Philippine Star

MANILA, Philippines — Kung susundin ni president-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang mungkahi ng Department of Agrarian Reform (DAR) patungkol sa isang "mega farm project," iginigiit ng kagawaran na posibleng makatikim ang publiko ng P20/kilong bigas kahit sa maagang yugto ng 2023.

Ito ang sinabi ni Agrarian Reform Secretary Bernie Cruz, Lunes, sa isang press conference kaugnay ng campaign promise ni Marcos Jr.

"'Pag na-discuss po natin 'yung details with the president-elect, sigurado po na magkakaroon ng guidelines within the next six moneths ay makikita natin," ani Cruz kanina.

"Siguro po mga first quarter next year baka may makita po [tayong P20/kilong bigas]."

Layon ng kagawaran, na namamahala sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, ang "full mechanization" ng 150,000 ektaryang lupain sa kanilang prototype. Aniya, magreresulta ito sa 23 milyong kaban ng bigas.

Naging subsistence farming na lang daw kasi ang kinalabasan nang hindi maipatupad nang maayos ang Comprehensive Agrarian Reform Program. Bagama't nakapagpamahagi raw ng mga lupa, hindi raw nabigyan ng tugon kung paano ito magiging produktibo. Kailangan aniya mapababa ang cost of production habang napapamura ang presyo sa merkado.

"[S]a isang 150,000 hectares na lupain na tataniman natin ng palay, ang maaari nating mapakain dito sa halagang P20 na bigas ay umaabot ng 9 million," paliwanag pa ni DAR Undersecretary David Erro. Aniya, matitiyak nito ang malaking produksyon ng bigas para sa food security at kita ng mga magsasaka.

Tatawagin daw itong "Programang Benteng Bigas para sa Mamamayan" o PBBM, na katunog ng palayaw na ibinibigay kay Marcos Jr. ngayong nakatakdang maluklok sa Palasyo.

Ani Erro, may 1.2 milyong ektarya ng irrigated lands, karamihan dito nasa Central Luzona t Cagayan Valley, batay sa datos ng National Irrigation Administration. Maliban pa ito sa 2.3 milyong ektaryang irrigable lands na maaaring gamitin.

Nakita na raw sa programa noon ng National Food Authority na mas natutulungan ang mga dayuhang magsasaka ng kaysa sa mga lokal na nagbubungkal dahil sa pag-import ng bigas sa mataas na presyo para makapagbenta nang mura.

"'Yung [makukuha] doon sa importation ng bigas [sa pamamagitan ng Rice Liberalization Law o Republic Act 11203], 'yung taxes, ay dapat pumunta at maitulong natin sa mga rice farmers. Napakalaki po noon," patuloy pa ni Cruz.

"'Pag 'yun po ay naitulong natin talaga at direktang nakapunta sa mga rice farmers natin, sigurado po tayo na 'yung P20 na bigas [eh mangyayari]."

Umabot sa halos P18 bilyon ang nakolektang taripa mula sa imported rice para sa taong 2021 sa ilalim ng RA 11203, ayon sa Bureau of Customs. Sa kabila nito, sinasabi ng ilang grupo na bilyung-bilyong halaga ang nawala sa mga lokal na magsasaka dahil sa pagtatanggal ng quantitative restrictions sa dayuhang bigas kapalit ng taripa.

Una nang sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na imposible ang campaign promise ni Marcos Jr. sa kasalukuyang "liberalisasyon" at "deregulasyon" ng sektor ng agrikultura.