The Philippine Star - Online voting experiment sa OFWs, ikakasa ng Comelec

News & Interviews
6 February 2021

By Danilo Garcia | The Philippine Star

MANILA, Philippines — Magsasagawa ng pag-aaral ang Commission on Elections (Comelec) para sa ‘online voting’ sa mga overseas Filipino workers upang malaman kung maaari itong maipatupad sa ibang bansa sa darating na 2022 elections habang umiiral pa rin ang pandemya.

Sa kabila nito, aminado ang Comelec na naghahanap pa sila ng mga OFWs na lalahok sa ‘online voting dry run’ na maaaring isagawa sa Marso o Abril.

Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na importante na makakuha ng datos sa online voting experiment na ipiprisinta nila sa Kongreso para maipakita kung maaaring maisagawa ang online voting at kung magiging ligtas ito sa manipulasyon.

Isa sa problemang nakikita sa online voting ay ang laki ng magiging gastusin dito habang maliit na bilang ng mga boto ang kalalabasan.

Noong nakaraang 2019 midterm elections nasa 1.65 milyong naka­rehistrong OFW vo­ters, nasa 300,000 lamang ang nagawang makaboto. Karaniwang reklamo ng mga OFWs ay malayo sa kanilang lugar ang mga voting precincts.

Samantala, inumpisahan na rin ng Comelec na magsagawa ng regis­tration sa mga bagong botante tuwing Sabado sa kanilang mga opisina sa pag-asang mapapataas ang bilang ng mga magpaparehistro.