Join the campaign (Learn More)

The Philippine Star : Mga magulang, bigyang-kasiguruhan sa kaligtasan ng bakuna — BBM

News & Interviews
18 October 2021

By Mer Layson | Police Metro | The Philippine Star

MANILA, Philippines — Upang mabigyan ng kasiguruhan ang mga magulang hinggil sa kaligtasan ng mga ito para sa kanilang mga anak ay hinikayat ni presidential aspirant at dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pamahalaan na magsagawa ng mas marami at malawakang information campaign drive hinggil sa isinasagawa nilang vaccination program kontra COVID-19.

Ang pahayag ay ginawa ni Marcos, kasunod nang pagsisimula na ng Department of Health (DOH) sa pagbabakuna laban sa COVID-19 ng mga teenagers na nasa 12-17 age group noong Oktubre 15.

“Yung information drive na kailangan gawin ng ating pamahalaan ay dapat maipaliwanag ulit na yung bakuna ay kailangan na kailangan natin at yung mga binibigay na vaccine ay lahat safe,” ayon pa kay Marcos.

Tinukoy pa ni Marcos ang Dengvaxia incident na naging isa sa mga dahilan kung bakit nagkaroon ng vaccine hesitancy sa mga magulang.

Nagpahayag naman ng paniniwala ang presidential aspirant na malaki ang maitutulong ng isang epek­tibong information campaign upang makumbinse ang mga magulang na magpabakuna na, at pabakunahan na rin maging ang kanilang mga anak.

“Lahat ng vaccine ay na-test at milyon na ang nakatanggap niyan. Napakaliit na numero lang ang nagkaroon ng side effect kaya malaking advantage ang magpabakuna,” dagdag pa ni Marcos.