The Philippine Star : Hindi kami maninira at babanat ng kalaban - BBM camp

7 February 2022

By Mer Layson | The Philippine Star

MANILA, Philippines — “Hinding-hindi ito babanat o maninira ng mga katunggali o kalaban sa darating na halalan.”

Ito ang muling iginiit ng kampo ni Presidential Aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ayon sa Chief of Staff at Spokesman ni BBM na si Atty. Vic Rodriguez, na panuntunan ng kampo ni BBM na hindi ito magtataguyod ng negatibong pangangampanya partikular sa kanyang mga katunggali sa halip at ilalatag lang nila ang mga gagawing plataporma na makakabuti sa bawat isang mamamayang Pilipino.

Ayon pa kay Rodriguez, ayaw na ayaw ni BBM na sayangin ang oras at sandali na siraan ang mga kalaban bagkus ay gusto lamang niya na ibigay ang wasto, tapat na serbisyo, magkaisa, magtulungan ang lahat para maitawid ang bansa sa krisis na dulot ng pandemya.

Idinagdag pa ni Rodriguez na hindi sila gaganti sa mga banat ng kanilang mga kalaban sa halip ay nais nila na magkaisa ang lahat tungo sa pagpapaunlad ng buhay ng bawat isang Pilipino. “Magpo-focus na lang po si BBM sa pagkumbinsi hindi lang sa mga supporters niya, maging sa lahat ng mamamayan na magtulungan at magkaisa para sa maganda at maunlad kinabukasan ng bawat isa sa ating bansa,” pahayag pa ni Rodriguez.

Iginiit pa ni Rodriguez na ilalatag nila sa mga botante ang mga plano at isusulong na magandang progragrama ng UniTeam para mabatid ng publiko ang kanilang mga gagawin kapag nanalo.