The Philippine Star : DQ cases vs BBM, ibinasura ng Comelec

11 February 2022

By Danilo Garcia | The Philippine Star

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Commission on Elections 1st Division ang tatlong pinagsama-samang disqualification cases na inihain laban kay presidential bet Ferdinand Marcos Jr.

Batay ito sa 40-pahinang resolution na isinulat ni Comelec Commissioner Aimee Ferolino.

Nakasaad sa resolution na pinagbatayan din nila ang hindi pagsasama ng Court of Appeals ng parusang ‘perpetual disqualification from holding public office’ sa kanilang desisyong ibasura ang mga petisyon.

Kaugnay ito sa ru­ling ng Court of Appeals sa kasong hindi umano paghahain ng income tax return ni Marcos Jr. mula 1982 hanggang 1985.

Iginiit pa sa resolution na walang moral turpitude sa kaso at wala ring parusang pagkabilanggo ang ipinataw kay Marcos Jr.

Nangangahulugan umano ito na hindi kasuklam-suklam na krimen ang kaso ni Marcos Jr.

Kasama ni Ferolino sa pagbalangkas ng resolution si Comelec Commissioner Marlon Casquejo.

May limang araw naman ang mga petisyuner na kinabibilangan ng Akbayan Citizens’ Action Party, Martial Law survivor Bonifacio Ilagan at Abubakar Mangelen na dating chairman ng Partido Federal ng Pilipinas para iapela ang desisyon.