The Philippine Star : Cult culture

11 February 2022

By UNFILTERED - Ben Tulfo | The Philippine Star

Umaalingawngaw ang galit at kinukuyog ang artistang si Toni Gonzaga matapos maghost sa proclamation rally ng partido ni Bongbong Marcos at Sara Duterte. Tinawag na hudas, walang utang na loob, ingrata at walang delikadesa. Dahil lang sa kanyang pagdedeklara ng suporta kina BBM at Sara.

Masasakit ang mga sinabi. Kesyo wala raw utang na loob. Sumikat, pinakain daw sa pamamagitan ng kanilang mga kamay pero kinagat sila ni Toni.

Justified ba ang mga sentimiyentong ito at galit ng mga tao kay Toni?  Talaga nga bang “delikadesa” ang isyu rito?

Is this really a propriety issue? Nagkamali ba rito ang actress/host sa kanyang desisyon?

May kasabihan na for every decision, it is a pathway to destiny and there will be an outcome. It’s a matter of choice and consequences.

Kung anuman ang pinili mong desisyon, merong kahihinatnan yan. At eto na nga siguro ang resulta, nalalagay siya sa matinding kontrobersiya.

Lumabas ‘yung tinatawag na culture of identity and branding. Na kapag ang isang personalidad ay nahanay o na-identify sa institusyong kinabibilangan, hindi dapat lumihis ang kaniyang paniniwala.

Kapag naiba ang kanyang stand, ang kanyang belief, ang kanyang choice na taliwas sa kinabibilangan niyang institusyon, kukuyugin siya.

‘Yung identity mo, ‘yung pagkatao mo na dikit sa sinasabing institusyon, aba’y kinakailangang umayos ka. Eto ang dapat na gagawin mo, eto dapat ang desisyon mo dahil may expectation ang mga tao sa brand na nakilala at hinahanap nila.

Sino ba ang dapat magsasabi niyan, ang institusyon na kinabibilangan mo, ang lipunan o ang sarili mong konsensiya?

Ibig bang sabihin kapag nasa isang kilalang institusyon ka ay pag-aari ka na ng institusyon na ‘yun? Pati buhay mo, forever na parang dahil nag-umpisa ka riyan… mamatay ka na diyan? Ano ba ito?  Kulto na ito?