The Philippine Star : BBM, tiyak na ang kandidatura sa national post

News & Interviews
27 September 2021

By Mer Layson | The Philippine Star

MANILA, Philippines — Nananatiling tahimik at low-profile habang pinag-aaralan ang lahat ng posibilidad para sa posibleng pakikipag-alyansa sa dara­ting na halalan ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kabila ng kaliwa’t kanang pag-eendorso ng ilang grupo para ito ay tumakbo.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, nagpapasalamat ang dating senador sa dagsa ng suporta mula sa kilalang mga political party, mga pinuno ng barangay at ilang concerned citizens, pero nananatili itong tahimik sa kanyang pinal na desisyon.

Sinabi pa ni Rodriguez, na miyembro rin ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na nauna na ring nag-endorso kay Marcos bilang kanilang standard-bearer sa 2022 election, nakasisiguro sila na maglalabas na ito ng desisyon sa lalong mada­ling panahon bago ang deadline sa filing of candidacy sa Commission on Elections (Comelec).

“Pinag-iisipang mabuti ni Marcos ang lahat dahil hindi madali ang magdesisyon lalo na ang usapin ay pandemic government at post-pandemic situation ngayong darating na halalan,” wika ni Rodriguez.

Bukod sa PFP, inendorso na rin si Marcos ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL), ang matagal ng political party ng mga Marcos.

Inihayag pa ng tagapagsalita ni Marcos na pinagtutuunan din nito ng pansin ang pakikipag-alyansa sa posibleng makakatambal nito sa halalan kabilang ang pakikipag-usap kay Davao Mayor Inday Sara Duterte.