Join the campaign (Learn More)

SMNI News : Bongbong Marcos-Sara Duterte tandem sa 2022, kasado na

News & Interviews
17 November 2021

By MJ Mondejar | SMNI News

PINAL na ang tandem nina dating senador at presidential aspirant Ferdinand Bongbong Marcos at Davao City Mayor Inday Sara Duterte na isang vice presidential aspirant ng Partido Lakas-CMD.

Ayon kay Marcos, napagkasunduan na nila ni Mayor Sara na palawigin pa ang mga magagandang nagawa ng pamahalaang Duterte.

Nanawagan din ng suporta si Marcos sa Duterte Administration.

“Sa layunin naming dalawa na ipagpatuloy at palawigin pa ang mga magagandang nagawa ng pamahalaang Duterte ay sabay kami ngayong nananawagan na kapit-bisig lang po tayo sa pagtiwala at pagsuporta sa liderato ng ating mahal na Pangulo,” pahayag ni Marcos.

Pagkakaisa rin ang panawagan ni Davao City Mayor Sara Duterte.

“Sa muli, nananawagan ako ng pagkakaisa. Ang layunin natin ay hindi lamang ituloy ang mga magagandang nasimulan ni Pangulong Duterte kundi ang mas pagbutihin at mas palawigin pa ang mga ito,” ayon kay Sara.

“The people will make me strong. And it is through our solidarity and unity that we will be able to build a stronger nation, Shukran.”

Samantala, nilinaw ni Sara Duterte na wala siyang sinisiraan o dinudungisang pangalan sa pagsabak sa national elections ilang araw matapos ang paglabas ng pahayag ni PDDS standard bearer Senator Bong Go na ito ay nasagasaan, nadapa, at kailangang bumangon.

“Ako po’y nasagasaan, tao lang po ako, senador po ako, public servant po ako, miyembro po ako ng partido. Nasagasaan po ako, nadapa po ako. Kailangan ko pong bumangon para sa mga kapartido ko at sa sambayanang Pilipino, lalong lalo na kay Pangulong Duterte. Kailangan ko pong bumangon para sa kanila,” ayon kay Go.

Sinabi rin ni Mayor Sara na nauna silang nakipag-ugnayan sa ruling party PDP-Laban para hingin ang suporta para kay presidential aspirant Bongbong Marcos.

Ang PDP-Laban ang partido ni Senator Go at ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang aking partido ay nakipag-alyansa at humingi ng suporta para kay Bongbong Marcos at para sa akin matapos kong tanggapin ang inyong hamon at panawagan,” ani Sara.

“Tinanggihan ito ng PDP at naiintindihan natin ito. Pero gusto ko lamang na linawin — walang pangalan na sinisira o dinudungisan, walang sinasagasaan, walang inaagrabyado, inaaway, pinapaiyak o inaapi,” ayon pa ng mayora.