Join the campaign (Learn More)

SMNI News : BBM-Sara Uniteam, nanawagan na ipagpaliban ang nakaumang na tuition fee hike

News & Interviews
12 January 2022

By Alava Castillon | SMNI News

NANAWAGAN ang BBM-Sara Uniteam sa Commission on Higher Education (CHED) na ipagpaliban nito ang nakaumang na tuition fee hike na inaprubahan nito kamakailan para sa 56 na Higher Education Institutions (HEIS) ngayong academic year 2021-2022 sa gitna ng kasalukuyang pandemiya ng COVID-19.

Ayon kina Presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at sa kanyang ka-tandem na si Davao City Mayor Inday Sara Duterte, ang tuition fee hike ay lalo lamang makakadagdag sa paghihirap na dinaranas ng mga pamilyang Pilipino dahil sa pandemiya.

Batay sa inilabas na memorandum ng CHED noong Disyembre 6, 2021, pinayagan ang 56 na pribadong HEIS na magtaas ng tuition at iba pang school fees.

Ang nasabing memorandum ay naipadala na sa mga opisyales ng CHED, sa mga regional offices nito, at sa mga presidente ng mga pribadong unibersidad at kolehiyo sa buong bansa.

Pinaliwanag ni CHED Chairperson Prospero De Vera na ang pag-apruba sa tuition hike ay naaayon sa guidelines ng CHED para sa recalibration ng miscellaneous and other school fees.

Ngunit ayon sa uniteam, kailangang maintindihan ng CHED ang kalagayan ng mga mamamayang Pilipino ngayong panahon ng krisis dala ng COVID-19 pandemic.