SMNI News : 300 grupo ng mga supporter nina Duterte at Go, suportado ang BBM-Sara tandem

28 February 2022

By Alava Castillon | SMNI News

NAGDEKLARA ng pagsuporta ngayong araw ang mga supporter nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Senator Christopher “Bong” Go sa ilalim ng Let’s Go UniTeam Coalition sa BBM-Sara tandem.

Ang naturang koalisyon ay sinasabing binubuo ng nasa 300 iba’t ibang grupo ng mga Duterte Diehard Supporters at Bong Go supporters noong 2016 national elections at 2019 midterm elections at nananatiling loyal hanggang sa kasalukuyan.

Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan ng pinag-isang koalisyon kasunod ng panunumpa para sa buong pagsuporta nila sa nangungunang tandem ngayon.

Sinasabi sa resolusyon na tinatanggap ng mga supporter nito ang pag-withdraw nito sa kandidatura sa pinakamataas na posisyon.

“Whereas, his (Sen. Go.) faithful supporters have finally accepted and moved on from his decision to desist from participation in the presidential race,” saad ng resolusyon.

Dagdag pa ng resolusyon na naniniwala sila sa slogan ng UniTeam na “Sama-sama tayong babangong muli” at naniniwala sa pananaw ni Bongbong na “Taas noo kahit kanino, ako ay Pilipino” ay matatamo lang sa ilalim ng liderato ng UniTeam.

“Whereas, these supporters believe that the slogan of UniTeam “Sama-sama Tayong Babangong Muli” and its vision from the speech of Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM), “Taas noo kahit kanino, ako ay Pilipino” could only be attained under the leadership of UniTeam,” ayon sa resolusyon.

Naniniwala rin ang grupo sa ugali at karakter ni BBM na kanyang ipinamalas gaya na lang ng hindi pagpatol o pagresbak o mapaghiganti sa mga bumabatikos sa kanya, at kanyang pamilya kahit below the belt na.

“Whereas, his competency to lead was bolstered through the display of his attitude and character by not showing any retaliatory measure against his critics despite striking below the belt against his person and that of his families,” dagdag ng resolusyon.

Ang naturang bagong koalisyon ay pinangungunahan ng adviser nitong si dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chief Greco Belgica, ang chairman nilang si Pablo Alberto dela Cruz, pangulo na si Yusoph Mando, pangalawang pangulo ng grupo na si Jerry Ponce at Masideng Salic.

Ang partido ng Greco Belgica na Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PPDS) ang ginamit na partido ni Duterte at Go nang maghain sila ng certificate of candidacy para sana sa darating na 2022 elections ngunit hindi naman itinuloy.

Malaki naman ang pasasalamat ni dating MMDA Chairman Atty. Benhur Abalos, ang national campaign manager ni Bongbong Marcos, sa suporta na ibinigay ng alyansang ito para sa BBM-Sara UniTeam.