Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : UST LAW DEAN: PETISYON KONTRA BBM MAARING MABIGO

News & Interviews
7 November 2021

By Saksi Ngayon

MISMONG ang dekano ng prestihiyosong University of Santo Tomas College of Law na si Atty. Nilo Divina ay nagsabi ngayon na ang pagtatangka ng ilang puwersang anti-Marcos na maalis sa listahan ng mga tatakbo sa pagka-pangulo sa 2022 si Bongbong ay tila mabibigo dahil sa kawalan ng merito.

“Sa nakikita ko, ang petisyon na kanselahin ang CoC ni BBM ay tiyak na guguho kapag nasuri ng Comelec dahil mukhang depektibo sa anyo at kulang ang legal na basehan para sa gusto nitong mangyari,” wika ni UST College of Law Dean Dino Divina.

Ang law expert ng nasabing prestihiyosong Katolikong unibersidad at pinuno ng bantog na Divina Law Office ay napansin na imbes na maglabas ng mga makatotohanang pahayag o legal na basehan upang suportahan ang kanilang bintang laban kay BBM, ang salaysay ng 57-pahinang petisyon ay naglalaman lamang ng pang-aalipusta sa pamilyang Marcos.

“Ito’y ad hominem, o atake laban sa karakter ng respondent na maaaring magpahina sa posisyon ng petitioners. Ang batas palagi ang siyang mahalaga. Ngunit, ang intensiyon ng panawagan ng batas ang siyang magbibigay-katwiran o ikakasablay nito,” diin pa ni Divina.

Pangalawa si Divina sa legal luminaries mula sa mga prestihiyosong law universities na nagpahayag ng opinyon na hindi sang-ayon sa petisyon na naglalayong kanselahin o i-deny ang CoC ni BBM dahil lamang nabigo siyang mag-file ng Income Tax Returns sa panahong pilit na ginugulo ang administrasyon ng kanyang ama.

Kamakalawa lamang ay nagpahayag ng kanyang paniniwala si Ateneo University law expert at dating Justice Secretary Alberto Agra na ang petisyon na inihain sa Comelec laban kay Bongbong ay walang basehan at malamang na hindi uusad.

Sa kanyang panayam sa DZRH, sinabi ni Agra na malinaw na nakasaad sa Omnibus Election Code na si Marcos ay kwalipikadong tumakbo sa darating na halalan dahil wala siyang mga pagkukulang sa kanyang isinumiteng CoC.

“Nakalagay sa Omnibus Election Code natin na kailangan ay hindi convicted. Ibang termino ang nakalagay sa batas. Ang nakalagay sa batas ay kailangan sentenced, may final judgement of imprisonment. Ang nangyari nang binasa ko ang kaso, wala si presidentiable BBM, hindi siya sentenced to imprisonment. Guilty siya to pay fine,” paliwanag pa ni Agra.

Nilinaw ng nasabing Ateneo law professor na hindi siya abogado o tagasuporta ni Marcos, ngunit ayon sa kanyang pagsusuri sa petisyon, lumalabas na ang kaso ay hindi tax evasion kundi isang simpleng kabiguang pag-file ng ITR.

Sinabi ni Agra na ayon sa batas, upang makansela ang CoC ng isang kandidato, siya ay dapat mapatunayang nagkasala at naparusahan ng mahigit labing-walong buwang pagkakakulong o kaya ay nahatulan ng krimen na may kinalaman sa moral turpitude.

“Moral turpitude, kung medyo halang ka, bastos, immoral, talagang gustong mandaya o manggulang. Ang tanong ngayon ay yun bang hindi pag-file ng income tax return yun ba ay crime involving moral turpitude? Siyempre hindi,” dagdag pa ni Agra.