Saksi Ngayon : Upang maibsan ang mga pasakit na dulot ng baha — Citizen BBM “ITULOY ANG NAUDLOT NA SPILLWAY PROJECT”

News & Interviews
23 July 2021

By Saksi Ngayon

MARIING ipinanawagan ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa gobyerno ang muling pagkonsidera sa naudlot na spillway project ngayong nahaharap na naman sa pagbaha ang buong Kalakhang Maynila sanhi ng sunod- sunod na mga pag-ulan.

Kanyang tinukoy ang naudlot na Parañaque Floodway na inaasahan sanang maging daluyan ng umaapaw na tubig mula sa lawa ng Laguna patungo sa karagatan ng Manila Bay.

Ang nasabing spillway project ay isa sa apat na floodway project noon ng kanyang ama na hindi na itinuloy ng mga sumunod na administrasyon.

Sa kanyang Facebook page ay naalala ng dating senador na nag-umpisa ang mga pagbaha sa Kalakhang Maynila noong 1970s kaya agad umanong nagkasa ang gobyerno noon ng apat na malalaking daluyan ng tubig patungong Manila Bay bilang solusyon sa mga pagbaha sa mabababang lugar ng kalunsuran.

“Natapos ang unang spillway project noong 1983. Ang pangalawa at pangatlong floodway projects ay natapos noong 1984 at 1985… at ito sanang Parañaque spillway ang pang-apat na naudlot noong 1986 dahil nag-iba na ang gobyerno,” pahayag ni BBM.

Pahayag pa ng dating senador: “May mga dati nang proyektong naumpisahan na malamang ay applicable pa laban sa baha… dapat balikan ang mga planong ‘yan lalo na’t may mga teknolohiya ngayon na wala noong 1980s.”

Sa kanyang Facebook page ay ipinaalala ng dating senador na bahagi ng urban planning na ginawa noon ng kanyang ama para sa Kalakhang Maynila ang apat na floodway projects bilang

pangmatagalang tugon sana sa mga pagbaha na ang nanguna sa pagbalangkas ng nasabing mga plano ay ang bantog na urban planner na si Jun Palafox.

“Hindi naman siguro tuluyang mawawala ang pagbaha, pero marahil may magagawa tayong paraan upang maibsan ang damage at hirap na dala ng baha sa ating mga kababayan,” pagtatapos na pahayag ng dating senador sa kanyang Facebook page.