Saksi Ngayon : UNITEAM MAINIT NA SINALUBONG NG MGA BULAKENYO

8 March 2022

By Saksi Ngayon

MAINIT ang naging pagtanggap ng libu-libong Bulakenyo sa tandem nina Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Bongbong Marcos at Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) vice presidential bet Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio para sa nalalapit na 2022 national at local elections sa isinagawang whole-day campaign sortie ng BBM-Sara UniTeam kahapon, Marso 8 sa lalawigan ng Bulacan.

Unang bumaba ang BBM-Sara UniTeam sa bayan ng Guiguinto kung saan halos nasa 25,000 ang dumagsa sa Municipal Oval dito at sila ay mainit na sinalubong ng mga opisyal na kandidato ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Bulacan sa pangunguna ni League of the Municipalities of the Philippines-Bulacan Chapter President Guiguinto Mayor Ambrosio “Boy” Cruz Jr. at Congressman Jonathan Sy-Alvarado ng First District.

Ang UniTeam ay agad naman dumeretso sa Meycauayan College Annex sa Barangay Malhacan, Meycauayan City at dito ay nagkulay pula at berde ang buong covered court ng mga supporter sa pangunguna ni 4th District Congressman Henry Villarica na kandidato bilang mayor ng nasabing lungsod.

Lubos ang pasasalamat ni Marcos sa matinding init na pagtanggap ng Bulakenyo sa UniTeam.

Ayon kay Marcos, sa lahat ng presidentiables ay siya ang pinakamapalad dahil nakasama niya si Sara Duterte at ang buong senatoriables na naniniwala sa kakayahan ng BBM-Sara tandem.

Katulad ni Marcos ay nagpasalamat din si Sara Duterte sa mainit na suporta ng mga Bulakenyo kung saan kapalit nito ay ihahatid ng UniTeam ang pagkakaisa at kapayapaan para sa bansa sakaling palarin sa nalalapit na election.

Mula sa Meycauayan City ay nagkaroon din ng caravan/ motorcade papunta sa bayan ng Sta. Maria para bisitahin ang libu-libong supporters dito ng BBM-Sara UniTeam.

Kasama ng BBM-Sara UniTeam ang senatoriables na sina Win Gatchalian, Mark Villar, Jinggoy Estrada, Harry Roque, Loren Legarda, Dante Marcoleta, Herbert Bautista at Larry Gadon. (ELOISA SILVERIO)