Saksi Ngayon : Toni Gonzaga idinepensa sa bashers MAGKAISA SA GITNA NG KRISIS – MARCOS

News & Interviews
19 September 2021

By Saksi Ngayon

IPINAGTANGGOL ni dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang TV host/vlogger na si Toni Gonzaga matapos itong kuyugin ng bashers dahil sa kanyang one on one interview sa una noong isang linggo.

Sa panayam sa programa sa radyo ni Erwin Tulfo, nagpahayag ng pagkagulat ang dating senador sa matinding mga pagbatikos kay Toni sa kabila ng pagiging neutral at professional host nito.

“Nagulat ako bakit naman inatake si Toni, ginagawa lang niya ang trabaho niya. She is a vlogger. Lahat naman iniinterview niya. Wala naman siyang pinipili. Kung tignan mo yung iniinterview niya iba-iba. Sa akin lang may reaction na ganyan,” ani Marcos.

Sa kabila nito, nabigo ang mga basher ni Toni na makansela sa social media ang kanyang panayam kay Marcos, sa halip ay umani pa ito ng mahigit 200,000 likes at nadagdagan din ng mahigit 100,000 ang kanyang subscribers.

“Mukhang kokonti lang naman at wala namang nag-agree sa kanila dahil nung kina-cancel siya ang likes ng kanyang FB live ay 10,000 pa lang. Nung inumpisahan siyang icancel, dumami naging 200,000 plus. Kaya’t nakita natin na suportado siya sa kanyang ginagawa. Pati yung subscribers niya dumami ng isandaang libo,” dagdag ni Marcos.

Kasabay nito, pinuri ng dating senador ang galing ni Toni sa hosting na isa aniya sa mga dahilan kaya nagagawa niyang makipagsabayan sa talakayan at makuha ang pananaw ng kanyang mga kausap.

“May grupo naman talagang ganyan na kahit anong sabihin ng Marcos ay babatikusin nila yan. Yung iba diyan yan ang trabaho nila eh.

Kasama yan pero bakit niyo naman inaano si Toni Gonzaga? She’s a Vlogger, she’s not a journalist although, I have to say, she does a better job than some of the journalists. Ang galing niya talagang makakuha ng impormasyon, ng background, ng kuwento na hindi nakukuha ng iba. Magaling talaga siya kasi ang sarap kausap eh,” ani Marcos.

“Are they responsible? Are they looking for the truth as much as Toni Gonzaga was? I don’t know. You cannot dictate to her kung ano ang content ng channel niya. Eh channel niya yan. Her channel, her rules. Mayroong nag-quote sa akin, sinabi ko Do not let your hate overwhelm your humanity and this is a perfect example. Ang habol nga natin magkaisa dahil nasa gitna tayo ng krisis,” dagdag pa ng dating mambabatas.

Binuweltahan din niya ang mga kritiko na nag-aakusa sa kanya ng historical revisionism partikular sa paglalarawan niya sa amang si yumaong President Ferdinand Marcos.

“Kung ayaw niyo yung sinasabi ko huwag niyo akong panoorin. Wala naman akong sinasabing kasinungalingan eh. Marami silang sinasabi, alam kong kasinungalingan. Huwag silang magsasabi sa akin kung ano ang experience ko sa Tatay ko, siguro sobra naman yun. That is my experience with my father. Yan ang katotohanan. People who were close to him will attest to his character na ganun talaga. The peddling of hate, what do we get from that?,” pahayag pa ng batang Marcos.

“Ang habol natin ngayon ay pagkaisahin nga ang bansa para harapin ang pandemya, ekonomiya, yung mga nagkakasakit. Kailangan naman talaga tayong magtulungan imbes na paghiwa-hiwalayin tayo,” aniya pa.