Saksi Ngayon : Tiwala sa kakayahan ni Bongbong dahilan ng mataas na survey MGA PINOY ‘MARCOS PA RIN’

News & Interviews
14 July 2021

By NELSON S. BADILLA | Saksi Ngayon

NAMUMUTAWI pa rin sa nakararaming Filipino ang ‘Marcos pa rin’ na sumikat sa panahon ng panunungkulan ng yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Ito ay dahil lumalakas na naman ngayon ang pagnanais ng mamamayan na maibalik sa poder ang isang Marcos sa katauhan ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Si Bongbong o BBM ay kabilang sa nangunguna sa pinagpipilian ng mga Filipino na maging pangulo ng bansa mula 2022 hanggang 2028.

Katunayan, si Bongbong ay nasa top 3 sa sarbey ng Pulse Asia hinggil sa mga posibleng kandidato sa pagkapangulo sa eleksyong 2022.

Batay sa Pulse Asia survey mula Hunyo 7 hanggang 16, nangunguna si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa iskor na 32 porsiyento.

Pumangalawa si Manila Mayor Isko Moreno na 29 porsiyento ang pumili.

Si Marcos ang ikatlo sa iskor na 18 porsiyento.

Ikaapat na puwesto si Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao na 13% ang nakuhang puntos.

Mahalaga ang mensahe ng sarbey dahil nanatiling pasok silang apat sa nangunguna mula noong Disyembre 2020 habang papainit nang papainit ang kanilang mga pangalan sa media, maliban kay Marcos.

Sina Carpio, Moreno at Pacquiao ay “very visible” sa media dahil madalas nailalabas ang kani-kanilang pahayag.

Isa pa, silang tatlo ay nakapuwesto sa kasalukuyan kaya masasabing malaki ang kalamangan nila.

Si Marcos ay hindi lumalabas sa media, maliban noong ang isyu ay tungkol sa kanyang protestang elektoral laban kay Bise-Presidente Maria Leonor Robredo.

Wala ring posisyon sa gobyerno si Marcos.

Sa kabila ng kalamangan ng ibang posibleng kandidato pagdating sa exposure, kapansin-pansin na laging nakadikit o pangalawa, o ikatlo, sa presidential survey si Marcos.

Ang iskor na nakuha niya sa pinakabagong sarbey ng Pulse Asia ay makikitang malapit ang distansiya niya kay Moreno, samantalang ‘suki’ ang alkalde ng Maynila sa mga tabloid at social media.

Mapapansing malaki ang iskor ni Marcos sa National Capital Region (NCR).

Bagamat hindi kataasan sa Balance Luzon, maituturing na signipikante ang puntos ni Marcos sa nasabing lugar.

Ayon sa mga political operator, kailangang kumilos si Marcos upang maging patas, o ungusan pa niya sina Moreno at Carpio – Duterte upang malaman ng mga baseng lalawigan, lungsod at bayan ng mga Marcos na tatakbo siya sa halalang 2022.

Higit na mainam kung itatayo ni Marcos ang kanyang media group tulad ng ginagawa ng lahat ng mga kakandidato sa halalan.

Kapansin-pansin din sa nasabing sarbey na lagpak ang iskor nina Robredo, Senador Christopher Lawrence “Bong” Go at Senador Panfilo Lacson, samantalang regular na nababasa ang kanilang mga pangalan sa mga pahayagan, naririnig sa mga radyo, napapanood sa telebisyon at nakabalandra sa social media.

Maging si dating Senador Antonio Trillanes IV at Senador Richard Gordon na regular ding mayroong labas na balita sa media ay hindi nakasama sa sarbey kahit .1% lang ang iskor.

Nangangahulugang ibinasura na sila ng mamamayan.