Saksi Ngayon : Tiniyak ng BARMM governors, Bulacan mayors LANDSLIDE VICTORY KAY BONGBONG

24 April 2022

By Saksi Ngayon

MAY 16 araw na lamang bago ang halalan sa Mayo 9, siniguro ng mga local chief executive, kabilang ang mga governor, mayor at traditional leader sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim

Mindanao (BARMM), ang landslide victory ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa kanilang rehiyon.

Kasabay ito ng kanilang pangako na poprotektahan din nila ang boto niya at hindi sila papayag na madaya siya sa kanilang mga lugar.

Sa isang simpleng programa nitong Biyernes ng gabi sa Manila Hotel, lumagda ang mga opisyal ng BARMM ng isang oath of commitment para ipakita ang kanilang solidong suporta kay Marcos at running mate nito na si Inday Sara Duterte.

Bitbit ang kanilang command votes, siniguro ng mga opisyal na karamihan sa halos dalawang milyong botante sa BARMM ay magbibigay ng siguradong panalo kina Marcos at Duterte sa Mindanao.

“We the governors, mayors, and traditional leaders of BARMM, commit ourselves to fervently, strongly, and firmly support the unifying leadership and candidacy of Marcos for the position of president of the Republic of the Philippines, and Duterte for the position of vice president of the Republic of the Philippines” ayon sa pledge of commitment.

“We commit to protect the will of the people and safeguard the victory of Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., and Mayor Inday Sara Duterte as president and vice president of the Republic of the Philippines,” dagdag pa nito.

Dumalo sa programa ang mga gobernador ng Maguindanao, Sulu, Lanao del Sur, Tawi-Tawi kasama ang kanilang mga alkalde at traditional leaders.

Nandoon din ang iba pang lokal na opisyal ng Basilan, at Cotabato.

Ayon naman kay Sulu Gov. Abdusakur Tan, nakasisiguro siya na kaya nilang ibigay ang mahigit 80 porsyento na boto mula sa kanilang 420, 000 na botante sa probinsya.

“Pangako ko sa kanya (Marcos) mahina na ang 80% na boto sa buong probinsya kasi wala kaming kalaban. Ang probinsya namin 420, 000 registered voters halos wala kaming kalaban lahat. Ako, anak ko, vice governor, congressman, dalawang congressman, mayor, walang kalaban” siniguro ni Tan.

Nagkakaisa naman ang mga gobernador na handa nilang protektahan ang boto ni Marcos sa kanilang mga probinsya.

“Sigurado pong poprotektahan natin ang boto ni BBM sa BARMM,” ayon kay Gov. Suharto Teng Mangudadatu, ng Sultan Kudarat.

“Hindi na mangyayari na gamitin ang Maguindanao, na gamitin ang probinsya namin para mandaya. Handa kaming protektahan ang inyong boto dito sa Maguindanao,” Glgiit naman ni Maguindanao Gov. Bai Miriam Mangudadatu.

Personal namang pinasalamatan ni Marcos ang mga lider ng BARMM kasabay ng paniniguro na makikinabang ang Mindanao sa lahat ng priority program ng pamahalaan sakaling maluklok sila sa pwesto sa Mayo 9.

“It is important to show that the idea of ‘pagkakaisa’ the idea of ‘unity’ is not only a campaign slogan, it is a cause, it is something that we truly believe. And with your acts, with your actions tonight in coming together, yourselves, in coming together with the UniTeam is a big manifestation that we have the right message that this unity is in fact what we need in this time of crisis, in this time of difficulty that the Philippines is going through,” ani Marcos sa kanyang talumpati.

“Thank you again for your support, but I am also, as for all of you, kung maipanalo natin ito kailangan ko ng tulong ninyong lahat. I need your help, I need your wisdom, I need your advice and because of that you can rest assured that you will always have an ear who will listen to you. You will always have an open door to which you can go,” dagdag pa niya.

Bukod dito, idineklara rin ng 19 incumbent mayors at mayoralty candidates mula sa lalawigan ng Bulacan na mananalo si Bongbong sa pamamagitan ng landslide sa kani-kanilang lugar sa darating na May 9, 2022 national elections.

Ginarantiyahan ito ng mga nasabing alkalde sa kanilang pakikipagpulong kay Marcos sa kanyang punong tanggapan sa Mandaluyong nitong Biyernes.

Kaugnay nito, pormal ding iniabot ng mga alkalde ang kanilang pinirmahang manifesto ng suporta kay Marcos at sa kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte.

“Sa amin po iisa lang ang message. Panalo na, kaya lang di tayo pwedeng matulog. At the end of the day bantay pa rin,” pahayag ni incumbent Guiguinto Mayor Ambrosio “Boy” Cruz Jr., at presidente ng League of Municipalities of the Philippines-Bulacan Chapter.

Kabilang sa grupo ng mga mayor na dumalo sina Christian Natividad ng Malolos, Vergel Meneses ng Bulakan, Amboy Manlapaz ng Hagonoy kasama ang kanyang asawa at mayoral candidate na si Flordeliza Manlapaz, Ferdinand Estrella ng Baliuag, Francis Albert Juan ng Bustos, at Henry Villarica ng Meycauayan.

Dumalo rin sina Ricardo Silvestre ng Marilao, Edwin Santos ng Obando, at ang kanyang asawa, Obando mayoralty candidate Esperanza Santos, Guiguinto mayoralty candidate Agatha Paula Cruz, Crispin Castro ng Pandi, Eladio Gonzales Jr. ng Balagtas, Jose Santiago Jr. ng Bocaue, Arthur Robes ng San Jose Del Monte City, Eric Tiongson ng San Miguel, Jocell Casaje ng Plaridel, Mary Ann Marcos ng Paombong, habang kinatawan naman ni Leo Nicolas si Norzagaray Mayor Ade Cristobal.

Pinasalamatan ni Marcos ang mga alkalde at mga kandidato sa pagka-alkalde sa kanilang pag-endorso at muling iginiit ang pangangailangang maging mas mapagbantay habang nalalapit ang halalan.

Sinabi rin ni Marcos na patuloy pa rin siyang nag-iikot sa bansa para mangampanya ngunit inaasahan niyang luluwag rin ang kanyang schedule sa mga darating na linggo sa pagpasok ng kampanya sa homestretch.

“Ako naman tuluy-tuloy pa rin ang lakad ko, pero mababawasan na dahil andito na tayo sa tinatawag na endgame,” “sabi ni Marcos.

Kinumpirma naman ng chief-of-staff at tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na nagsimula na ang training program ng PFP para sa mga poll watchers, at nagde-deploy na rin sila ng mga fully-trained volunteers sa buong bansa.

Ilan sa mga alkalde ng Bulacan ang nagsabi na si Marcos ay nangunguna sa isang internal survey sa buong probinsya kung saan siya ay nakakuha ng 61% na voter preference.

Ayon pa kay Mayor Christian Natividad, sa Malolos City, 62% ang nakuhang voter preference ni Marcos kumpara sa 18% ng kanyang pinakamalapit na karibal sa karerang pampanguluhan.

Hinimok din ni Marcos ang mga alkalde na hikayatin ang kanilang mga nasasakupan na lumabas at bumoto sa araw ng halalan, dahil ito ang paraan upang makilahok ang mga tao pagpili ng mga susunod na mamumuno sa bansa.

“Palabasin at hikayatin natin sila upang bumoto. Iyan naman talaga ang isa sa pinakaimportante sa darating na eleksyon,” dagdag pa ni Marcos.

Sa kabila ng mga magandang numero ni Marcos ayon sa mga ulat ng mga Bulacan mayors, nagpaalala pa rin ang dating senador na maging mapagmatyag upang mapigilan ang mga magtatangka na impluwensyahan ang resulta ng paparating na halalan.

“Alam natin kung ano ang kailangan ng tao. You have a good heart. You can really lead the country. All we have to do is support you, to let the people vote for you. For all of us here in our own districts, we have to make this campaign real,” ani Cong. Rida Robes ng nag-iisang distrito ng Lungsod ng San Jose Del Monte na kasamang nakipagpulong kay Marcos.

‘Overwhelming’
victory sa Uniteam

Samantala, tiniyak ni San Jose Del Monte City Rep. Florida Robes ang “overwhelming victory kina dating Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte sa lungsod sa May 9, 2022 elections.

“They will win because in our survey BBM is at 61 percent, Mayor Inday is 53 percent. There is no doubt that they will win because they have the people’s support,” ani Robes.

Ramdam na ramdam umano ang suporta ng mga tao sa Uniteam nina Marcos at Duterte kaya inaasahan na ang dalawa ang mananalo sa kanilang lungsod sa darating na halalan.

Nabatid na 80 porsyento sa mga botante sa SJDMC ang bumoboto at sinabi ng mambabatas na “… they (Marcos-Duterte) will win overwhelmingly here’.

Noong Biyernes ay nakaharap ni Robes si Marcos sa headquarters nito sa Mandaluyong City at nangako ng suporta dahil naniniwala ito na magiging “good leader ito dahil may puso”.

“Alam natin kung ano ang kailangan ng tao. You have a good heart. You can really lead the country. All we have to do is support you, to let the people vote for you. For all of us here in our own districts, we have to make this campaign real,” mensahe ni Robes kay Marcos. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)