Saksi Ngayon : TADHANANG PAGBANGON

By Saksi Ngayon

ILANG araw mula ngayon, muling uukit ng kasaysayan ang hindi bababa sa 65 milyong rehistradong botanteng Pilipino, gamit ang kapangyarihang kalakip ng karapatang pumili ng angkop na mamumuno sa susunod na anim na taon.

Kung pagbabatayan ang kabi-kabilang presidential surveys kung saan nakatala ang milya-milyang agwat ng pambato ng UniTeam sa pinakamalapit na katunggali sa halalan, walang dudang si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos ang susunod na pangulo.

Sa datos ng Pulse Asia, umani ng 54% ang anak ng Ilocandia. Hindi naman nalalayo ang resulta ng pagtatala ng iba pang independent ­pollsters na tumutok sa pulso ng mamamayan gamit ang siyensiyang kalakip ng matematika.

Ayon mismo sa mga eksperto sa larangan ng pulitika at matematika, nakaukit na ang tadhana ng bansa sa napipintong pag-upo sa Palasyo ni Marcos pagsapit ng Hunyo.

Sa puntong ito, mukhang sarado na ang posibilidad na makasilat muli ang nasa ­malayong ikalawang pwestong si Vice President Leni Robredo na napako sa 26% base sa naturang surveys.Kung isasalin sa boto ang 56% na nasungkit ng dating senador, lumalabas na 36.5 milyon sa 65 milyong rehistradong botante ang pabor na makita ang pagbangong kalakip ng pag-upo sa pwesto ni Marcos.

At kahit pa pagsama-samahin ang boto ng mga nalalabing siyam na katunggali sa posisyon ng pangulo, malinaw na hindi pa rin sapat para talunin si Marcos na kamakailan lang ay binasbasan ng Iglesia ni Cristo, na higit na kilalang bentahe sa kandidatura ng mga politiko.

Sakaling kalahati lang sa inaasahang 36.5 mil­yon ang maitalang boto para kay Marcos, hindi pa rin kakayaning itaob ang dating senador na magtatala ng halos 19 milyong boto – higit pa sa nakuhang suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 presidential election.

Maging ang mamamayang nabibilang sa tinatawag na “laylayan ng lipunan” ay kumbinsidong si Marcos na ang susunod na pangulo.

Malinaw na ang nagbabadyang panalo ng kandidatong ni minsan ay hindi naringgan ng negatibong komentaryo sa mga kalabang kampo.

Gayunpaman, hindi pa rin angkop na maging kampante lalo pa’t nananatili ang bantang dala ng Smartmagic na kilala sa kanilang salamangka, anim na taon na ang nakararaan.