Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : Suporta sa unifying leader TRANSPORT GROUPS NAGKAISA KAY BBM

News & Interviews
20 October 2021

By Saksi Ngayon

SA gitna ng kawalang direksyon ng administrasyon sa sektor ng transportasyon, mas piniling suportahan ng iba’t ibang transport groups ang pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na si dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. bilang pangulo sa May 2022.

Sa isang pulong na dinaluhan ng iba’t ibang transport groups sa himpapawid, karagatan at maging sa mga pangunahing lansangan, inihayag ng mga delegadong kinatawan ang suporta sa anila’y tahimik na tumulong sa kanilang hanay sa mga panahong wala silang anomang natatanggap na suporta sa administrasyon.

Sa pinag-isang pahayag ng mga kinatawan ng Pangkalahatang Sanggunian Manila and Suburbs Drivers Association (Pasang Masda); Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP); Philippine Confederation of Drivers and Operators – Alliance of Concerned Transport Organization (PCDO-ACTO); Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP); Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP); at ng Tiger in Asia, inilarawan nilang “best bet” para maging Pangulo ng bansa si Bongbong.

“Para sa akin dapat lumingon ka at tingnan ang nakaraan. Tingnan natin ang mga nagawa ni Pres. Marcos. Naniniwala kami na maraming magagawang maganda si BBM para sa bansa. Magtulong-tulong tayo para sa pagbabago dahil siya ang makakapagdala ng unification,” ani Pasang Masda National President Obet Martin sa pulong kasama sina PFP Secretary General Thompson Lantion at Atty. Vic Rodriguez na tumatayong Executive Vice President ng partido na nagsusulong sa kandidatura ni Marcos bilang Pangulo.

Para naman kay ACTO national president Liberty De Luna, mistulang tinalikuran ng gobyerno ang kanilang hanay, sukdulang mamalimos sa lansangan ang mga tsuper na nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng patuloy na pagkakait ng Department of Transportation (DOTr) na magbalik-pasada sa mga rutang kanilang ibinibyahe.

Ito rin aniya ang nagtulak sa mga tsuper ng mga pampasaherong dyip na mamalimos sa lansangan.

“Naniniwala kami na si BBM ang may malasakit sa mga drivers and operators,” sambit ni De Luna.

Sa panig naman ng PFP, sinabi ni Rodriguez, na chief of staff din ni Marcos at PFP campaign manager, na masalimuot ang problema ng transport sector kaya’t kailangan itong pagtuunan ng karagdagan pang pag-aaral.

Gayunpaman, tiniyak nito na magbubuo ng malinaw at patas na polisiya si Marcos pagkatapos magsagawa ng malawakang konsultasyon sa transport groups at iba pang stakeholders.