Saksi Ngayon : Singson positibo sa landslide win BBM-SARA UNITEAM SUPORTADO NG 1,194 MAYORS

3 March 2022

By Saksi Ngayon

PUMALO na sa 1,194 alkaldeng kasapi ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) ang nagbigay ng syento-por-syentong suporta sa tambalan nina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte sa nalalapit na presidential derby sa Mayo.

Sa isang kalatas, hayagang tinumbok ni LMP national president at Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson ang nagbabadyang landslide win ng UniTeam nina Marcos ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Duterte ng Lakas-CMD, sa ibinuhos na sentimyento ng 80% ng 1,498 municipal mayors na dumalo sa 2022 LMP General Assembly.

Kapwa dumalo bilang panauhin sina Marcos at Duterte sa nasabing pagtitipon nito lamang nakaraang Martes sa Marriott Grand Ballroom sa lungsod ng Pasay.

“Sila (LMP mayors) ang pinapakinggan ko. I just follow the majority, and the majority of them are supporting BBM. Basta sinusunod ko lang ‘yung mga mayors, majority of them are supporting BBM and Sara,” ani Singson sa ambush interview kasabay ng LMP General Assembly.

Paglilinaw ni Singson, ang mga sumusuportang alkalde ay pabor na maipanalo ang tambalan nina Marcos at Duterte.

“Ako wala akong pinipili – sumusunod lang ako sa majority… yes majority of the mayors are [for] BBM-Sara. Tsaka ‘yung survey, maski saang survey, lamang na lamang na more than 50 percent… First time na nakita ko tao ang gumagalaw, puro volunteers. Pambihira ‘yung ganun,” dagdag pa ng kingpin mula sa norte.

Paniwala ni Singson, magkakaroon na ng isang majority president ang bansa pagsapit ng Mayo.

“Sabi ko nga kanina–magiging majority president, ngayon lang. Ever since wala tayong majority president, puro – like for example si President Duterte malakas pero 16 million lang nakuha niya at 25 million ‘yung boboto. Pero this one, more than 50 percent na. Lahat naman ng survey ganun eh,” aniya pa.

“Importante yan (suporta ng mga alkalde). Lahat ng politicians umaasa sa mga…mayors, sila nakakaalam talaga,” pahabol pa ni Singson.