Saksi Ngayon : Sa pulong ni BBM sa foreign ambassadors CLIMATE CHANGE, AGRIKULTURA TINALAKAY

By Saksi Ngayon

TINALAKAY ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos sa isinagawang closed-door meetings kasama ang mga foreign ambassador ang usapin ng kooperasyon at ibang isyu lalo na sa panahon ng pandemya.

Nakausap ni Marcos Jr., sa kanyang headquarters ang mga envoys mula India, Japan, South Korea at Estados Unidos.

“Ang lagi ko lang pinapaalala sa kanila sinasabi ko palagay ko sa pandemyang ito ang recovery ng lahat natin ay hindi kakayanin ng kahit na isang bansa kahit na gaano kayaman. Kailangan the partnership will be the one that will bring us to keep the global economy as stable as possible,” ayon kay Marcos Jr.

Sinabi ng susunod na Pangulo na siya at ang Japanese Ambassador to the Philippines na si Kazuhiko Koshikawa ay nag-usap ukol sa posibilidad na infrastructure at transportation projects, at maging ang employment opportunities, sa pagitan ng dalawang bansa.

“Japan would like to see an increase of employment of Filipinos in Japan,” ayon kay Marcos.

Kabilang naman sa paksa na pinag-usapan kasama si South Korean Ambassador Kim Inchul ay ang posibleng pagbuhay sa “mothballed” Bataan Nuclear Power Plant.

“Pwede pa ba ituloy o kailangan na magtayo ng bago? Binuhay ulit namin ang diskusyon na ‘yon,” anito.

“We will now study their recommendation and their findings and we will see if it can still apply, because as we have been talking about all through the campaign, isa sa pinakamalaking problema is the supply of power. If we are going to industrialize post-pandemic…then the power sector must be ready for that.”dagdag na pahayag ni Marcos Jr.

Samantala, sinabi naman ni Marcos Jr., na napag-usapan naman nila ni Indian Ambassador Shambhu S. Kumaran ang ukol sa imprastraktura, idagdag na ang bansa ay maaaring matuto mula sa Asian neighbor, lalo na pagdating sa teknolohiya at “how to bring the average age of farmers down.”

Sa miting kasama ang US Chargé d’Affaires Heather Variava, sinabi ni Marcos Jr. na isa sa pangunahing paksa na kanilang napag-usapan ay ang tulong na maaaring mapagaan ang epekto ng climate change.

Sinabi ni Marcos Jr. na maaaring tanggapin ng bansa ang anomang tulong mula sa US para sa ekonomiya, sinabi pa nito na ito’y may kinalaman “trade, not aid.”

Nuclear power
pinakukonsidera

Sa kabilang dako, umaasa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ie-explore ng susunod na administrasyon ang nuclear energy bilang alternative energy source sa Pilipinas.

Sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi, sinabi ni Pangulong Duterte na kailangang pag-aralan ng susunod na administrasyon ang nuclear power dahil ang Pilipinas, naka-depende sa imported crude oil, ay “vulnerable” sa epekto ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

“I hope that the next administration would at least explore now the possibility of itong nuclear…Tutal ang nag-umpisa nito noon si Marcos. Nagpagawa siya ng nuclear plant,” ayon kay Pangulong Duterte.

Tinutukoy ni Pangulong Duterte ang kontrobersyal na Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) sa Morong, Bataan, isang proyekto ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na hindi nagamit dahil sa “safety and corruption issues.”

“You know oil is not infinite, may katapusan ‘yan . Someday it will dry up, it will be good for any government to prepare the possibility of making the transition from oil, yung fossil fuel, to nuclear,” dagdag na pahayag nito.

Gayunman, hindi naman lingid sa kaalaman ni Pangulong Duterte na ang pagbuhay sa BNPP ay maaaring “spell trouble” gaya ng 1986 explosion at sunog sa Chernobyl nuclear power plant sa Ukraine na naglabas o sumuka ng malaking dami ng radioactive material sa kapaligiran.

Matatandaang, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang isang executive order na nag-aatas na pag-aralan ang pagsasama ng nuclear power sa ginagamit na enerhiya sa bansa. (CHRISTIAN DALE)