Saksi Ngayon : Sa panunumpa nina PBBM at VP-elect Sara SECURITY PLAN NG PNP PLANTSADO NA

By Saksi Ngayon

HANDA na ang pwersa ng Philippine National Police (PNP) sa inagurasyon nina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President-elect Sara Duterte-Carpio.

Bumuo na rin ng task force ang PNP para sa paghahanda sa seguridad at tinatayang nasa pito hanggang walong libong pulis ang ipakakalat sa National Museum kung saan gaganapin ang panunumpa ni Marcos Jr. sa Hunyo 30.

Sinabi ni Col. Jean Fajardo, ang tagapagsalita ng PNP, binuo na ang Security Task Group Manila at Security Task Group Davao para sa inagurasyon ng dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.

Mauuna ang panunumpa ni Duterte sa Davao City na itinakda ngayong Hunyo 19.

Aniya, may koordinasyon na sila sa transition teams ng dalawang kampo para sa maayos na paglalatag ng security plan bunsod na rin ng mga maaaring ikasang kilos-protesta at sa mga insidente ng pagsabog sa Mindanao.

“Nagstart na tayo makipagpulong sa concerned agencies particularly yung transition team ng papasok na administrasyon at nagkaroon ng ocular inspection,” sabi pa ni Fajardo.

Nauna rito, nanawagan ang Manila Police District (MPD) sa mga nais magsagawa ng kilos protesta sa araw ng panunumpa ni Marcos Jr.

Ayon kay MPD director PBGen. Leo Francisco, gawin na lamang sa ibang araw ang kilos-protesta at ipaubaya ang naturang araw sa bagong administrasyon.

Maglalaan din ng standby na mga pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sakaling kailanganin pa ang mga ito sa inagurasyon ni President-elect BBM. (JESSE KABEL/RENE CRISOSTOMO)