Saksi Ngayon : Sa mas epektibong contact tracing UNIFIED QR CODE MUNGKAHI NI MARCOS

News & Interviews
26 August 2021

By Saksi Ngayon

SAKSI NGAYON: Sa mas epektibong contact tracing UNIFIED QR CODE MUNGKAHI NI MARCOS

IMINUNGKAHI ni former Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagkakaroon ng unified QR code sa bansa upang mas mapadali at maging epektibo ang contact tracing.

Hirit ito ni Marcos sa gitna ng pahayag mismo ng Department of Health (DOH) na mayroon nang community transmission ng mas mabagsik na Delta variant ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Marcos, padadaliin ng QR code ang trabaho ng mga contact tracer, lalo pa’t nagagarantiyahan nito ang agarang pagtukoy at pagkuha sa mga kinakailangang detalye ng taong nahawaan ng virus.

“Dahil may community transmission na ‘yung Delta variant, lalong dapat nating madaliin ang paghahanap sa mga contacts ng mga nagpositibo para agad ding madala sa mga ospital o isolation facilities kung may nahawaan man sila. Kung may national QR code, mapapadali ang paghahanap ng mga contact tracers,” saad ng dating senador.

“Sa mga malls, may kanya-kanyang QR codes yung iba’t ibang mga tindahan sa loob. Pati sa ibang mga probinsiya, may mga QR codes din sila at nakita nila na mas napapadali ang contact tracing,” aniya pa.

Makatutulong din aniya ang paglalabas ng VaxCertPH ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na naaayon sa itinatakda ng World Health Organization. Bukod dito ang pagpapabilis sa pagbabakuna dahil marami pa ring Pinoy ang hindi pa nabibigyan kahit ng unang dose.

Hinikayat din nito ang pamahalaan na ikonsidera ang pagbibigay ng special risk allowances sa mga contact tracer dahil lantad din aniya ang mga ito sa peligro habang tumutupad sa kanilang trabaho.

“Ang mga contact tracers, gaya ng mga health care workers, ay para ding mga sundalo na lumalaban sa giyera. Ngunit sa kabila ng malaking risk na kinahaharap nila, sila ay overworked, underpaid at underequipped.

Kaya ngayon panahon na naman para ayusin ang national budget para sa isang taon, sana magkaroon ng dagdag na allocation para mabigyan din ng SRA ang mga contact tracers.
Huwag nating pabayaan ang ating frontliners laban sa COVID-19 dahil maaaring mag-collapse ang healthcare system ng bansa kapag na-overwhelm sila,” saad pa ni Marcos.