Saksi Ngayon : Sa ilalim ng PBBM admin INTERNET SA MALALAYONG LUGAR TATRABAHUHIN

By Saksi Ngayon

SINABI ni incoming Information and Communications Technology Secretary Ivan Enrile Uy na prayoridad niya na mabigyan ng internet connectivity ang malalayong lugar sa bansa upang mabigyan ang mga ito ng access sa medical services at mapahusay ang education system.

Sinabi ni Uy na makailang ulit silang nagkaroon ng pakikipagpulong kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para talakayin ang mga programa na ipatutupad sa ilalim ng administrasyong Marcos.

“Yung marching orders po niya to allow connectivity nung mga areas na nasa malalayong lugar at bigyan sila ng access to the technology,” ayon kay Uy.

“Number two, is to allow our education system, to have those types of [internet] connectivity dahil sa pandemya kawawa mga estudyante na nago-online na walang connection,” dagdag na pahayag ni Uy.

“Number three, dahil also sa pandemya, walang access to medical services yung mga areas na ‘yan at mabibigyan po ng telemedicine, kung maiimplement po ang telemedicine mabibigyan po ng initial na lunas ang areas [na ‘yan],” lahad nito.

Nauna rito, sinabi ni Marcos na ipaprayoridad niya ang development o pagpapaunlad ng digital infrastructure at ipagpapatuloy ang “Build, Build, Build” infrastructure program ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Aniya, ang internet ay may malaking bahagi sa buhay ng mga Pilipino, importante na ma-improve ang digital infrastructure at ito ang unang bagay na kailangang tugunan.

Si Uy, itinalaga bilang Commission on Information Communications Technology (CICT) chairman sa panahon ng administrasyon ng namayapa at dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III, ay nagpahayag na siya ay “shocked and happy” na nabigyan siya ng panibagong pagkakataon na muling magsilbi sa gobyerno.

“Natuwa po ako dahil I was given another chance to serve the government again. Medyo nagulat lang ako. Ito po ay two presidents on extreme polars, si President Aquino is on one side, President Marcos on the other side,” ayon kay Uy.

“You always here the word you are an Aquino and he is a Marcos, so they are opposite but I was so touched that despite that complete opposite eh nakikita nila that I’m a common ground to lead this area, I feel very touched and inspired,” dagdag na pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)