Saksi Ngayon : Sa ilalim ng Marcos administration INDEPENDENT POLICY SA RUSSIA MANANATILI

13 June 2022

By Saksi Ngayon

(CHRISTIAN DALE)

PANANATILIHIN ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang “independent policy” kaugnay sa patuloy na girian sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Sinabi ni Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov na pinag-usapan nila ni Marcos ang hinggil sa Russia-Ukraine conflict nang mag-courtesy call ang una sa huli.

Ang ginawang pag-atake ng Russia sa Ukraine ang dahilan ng nararanasan ngayong parusa ng Russia mula sa international community kabilang na ang naging desisyon ng Germany na ipagpaliban ang Nord Stream 2 gas pipeline project, matinding naapektuhan ng presyo ng langis sa buong mundo.

“As far as I understand, President-elect would like to continue his independent policy and he will cooperate with the Russian Federation,” ayon kay Pavlov.

Sa panahon ng campaign period, sinabi ni Marcos na hindi na kailangan na magkaroon pa ng posisyon ukol sa naging pananakop ng Russia sa Ukraine.

Gayunman, sinabi nito na labis siyang nag-aalala para sa mga Pilipino na apektado ng nasabing hidwaan ng dalawang bansa.

Subalit, sa kalaunan ng kampanya, tinawagan ng pansin ni Marcos ang Russia na igalang ang kalayaan ng Ukraine.

“I appeal for sobriety to prevail, for a peaceful resolution to the ongoing armed conflict as I stand united with the rest of the world for Russia to respect Ukraine’s freedom and its citizens’ democratic way of life,” ayon kay Marcos sa isang kalatas.

Sa isang UN General Assembly, bumoto ang Pilipinas para kondenahin ang ginawang pag-atake ng Russia sa Ukraine. (CHRISTIAN DALE)