Saksi Ngayon : Sa gitna ng nagbabadyang global food crisis FOOD SECURITY PRAYORIDAD SA BBM ADMIN

19 June 2022

By Saksi Ngayon

(CHRISTIAN DALE)

GAGAWIN lahat ng incoming administration ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang makakaya nito at pagsisikap upang matiyak ang food security sa bansa.

Ito’y matapos magbabala ang World Bank, World Trade Organization, United Nations Food and Agriculture Organization, at World Food Programme ng global food crisis na makaaapekto sa mahihirap at developing countries.

Sa isang kalatas, tiniyak ni Press Secretary-designate Beatrix Rose “Trixie” Cruz-Angeles sa publiko na ang administrasyong Marcos ay handa na patatagin ang food supply at paghusayin ang food production.

“Gaya nang nasabi na ni President-elect Marcos, mangangailangan ‘yan ng agarang tugon, at dapat agaran ding simulan ang pangmatagalang mga solusyon,” ayon kay Cruz-Angeles.

Kinilala naman ni Cruz-Angeles ang patuloy na nananaig na coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic, Russia-Ukraine crisis, climate change, at mataas na presyo ng langis ay kabilang sa mga dahilan ng global food insecurity.

Sinabi pa nito na ang ibang bansa na maaapektuhan ng nagbabadyang food shortage ay maaaring mapilitan na i-adopt ang mga hakbang na ginawa noong 2007-2008 global food crisis, kabilang na ang restriksyon sa food exports, tugunan ang problema.

Inamin nito na isang malaking hamon para sa Pilipinas na gawin ang kahalintulad na aksyon.

“May mga bansang mapipilitang magsuspinde ng export ng kanilang produkto upang matiyak ang sarili nilang suplay ng pagkain at agapan ang pagtaas ng domestic prices sa gitna ng pagsipa ng world prices,” ayon kay Cruz-Angeles.