Saksi Ngayon : ROBREDO UMAASANG IENDORSO NI DU30?

19 March 2022

By Joel O. Amongo | Saksi Ngayon

“LUTANG,” kung tawagin ng netizens si Vice President Leni Robredo dahil sa kanyang ipinakikitang kakaibang mga kilos na lumalabas sa social media.

Katulad na lamang ng mga ginagawa nito na hindi nababagay sa kanyang pagkatao, bilang isang babae at pangalawang opisyal (vice president) mula sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
May mga pahayag din siyang sa tingin ng nakararaming Pinoy ay sablay.

Tulad na lamang ng pagkontra niya sa mga programa ni Pangulong Duterte lalo na ang ‘war on drugs’ at pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.

At ang pinakahuling pumutok na isyu kay Robredo ay nakipag-alyansa raw umano ito sa makakaliwang grupong CPP/NPA/NDF.

Umani ng batikos si Leni sa isyung ito, maging si ­Pangulong Duterte ay nag-alala na baka makagulo ito sa darating na eleksyon base sa kanyang pahayag sa interview sa kanya ni Pastor Apollo Quiboloy.

Pinutakte rin ng PUNA ang palugaw ni Robredo na isinasagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ayon sa ilang nakapanayam ng PUNA, ang pagkain na lugaw ay isang simbolo ng kawalan ng kabuhayan at paghihikahos ng pamilyang Pilipino.

Na-PUNA rin ng mga Pilipino na halos walang kaibahan sina Robredo at Isko na matapos magbitiw rin ng mga maaanghang na salita ang alkalde ng Maynila (Moreno) laban sa mag-amang Digong at Sara, kalaunan ay may lumabas na may binuong ISKO-SARA (ISSA) tandem.

Ang paglulunsad ng ISSA tandem ay pinangunahan ni dating Maguindanao Congressman Zajid “Dong” Mangudadatu na ginawa sa isang restaurant sa Quezon City.

Ang mga ganitong uri ng mga pamumulitika ay isinusuka na ng sambayanang Pilipino dahil ito ang pinagmumulan ng pagkakawatak-watak ng lahi ni Juan dela Cruz.

Mas nangingibabaw nga­yon sa kanila ang panawagan ng pagkakaisa ng mga Pilipino na nagka­taong ito rin ang gusto ng BBM-Sara UniTeam.

Kung kaya’t habang nalalapit ang May 9, 2022national and local elections ay patuloy na mataas ang pagtanggap ng mga Pilipino sa BBM-Sara tandem.

Sa inilabas na resulta ng survey ng Pulse Asia Research Inc., nakapagtala si dating Sen. Bongbong Marcos (BBM) ng 60% laban kay Robredo na bumaba sa 15% mula sa dating 16% noong nakaraang Enero 2022.

Samantala, si Moreno ay nakakuha lamang ng 10% at ang sakop ng survey ay mula Pebrero 18-23, 2022.

Nakapagtala naman ng 53% sa survey si vice presidential aspirant Mayor Inday Sara na ka-tandem ni BBM.

Subalit ang katunggali niyang si Kiko Pangilinan ay nakakuha lamang ng 11%.

Sa ganang akin, sa ipinakikita ng mga survey na laging nangingibabaw ang BBM-Sara UniTeam, ay tanaw na ang pagkapanalo ng dalawa sa darating na halalan.

Marami rin ang nagtataka kung bakit umaasa pa si Robredo na siya ang iendorso ni Pangulong Duterte sa kabila na ang ka-tandem ni Inday Sara ay si BBM. Asa pa more, Leni.

Kahit ano pa ang gawin n’yo laban sa BBM-Sara UniTeam ay selyado na ito at wala nang makakatinag sa kanilang dalawa hanggang sa May 9, 2022 national and local elections.

Mas makabubuti na lamang na paghandaan n’yo na lang ang susunod na presidential election. Adios Amigos!

oOo