Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : RESPETO NG INTERNATIONAL COMMUNITIES SA MGA PILIPINO, BUMABALIK NA

News & Interviews
13 December 2021

By Saksi Ngayon

PANGARAP ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos (BBM) na muling kilalanin at irespeto ang mga Pilipino ng international communities.

Sa mga pagtitipon na dinadaluhan ni BBM ay laging bukang bibig niya ang kanyang panawagan sa mga Pilipino na pagkakaisa.

Sabi niya, kalimutan muna ang pagkakawatak-watak dahil hindi tayo makababangon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic kung hindi magkakaisa ang sambayanang Pinoy.

Sa pagdalo niya sa Montalban, Rizal event noong Sabado, Disyembre 11 ay idineklara niya sa harapan ng kanyang libu-libong supporters ang “Kilusang Pagkakaisa” sa lugar.

Kasama ni BBM ang kanyang ka-tandem na si Mayor Inday-Sara Duterte Carpio at mainit silang tinanggap ng mga taga-Montalban.

Nagkasundo ang dalawa sa kanilang panawagan na pagkakaisa ng buong sambayanang Pilipino para sa kinabukasan ng Pilipinas.

Naniniwala si BBM na muling manunumbalik ang mabuting kaugalian ng mga Pilipino at muling mabubuhay ang tinaguriang “Bayanihan” na ipinamana ng ating mga ninuno.

Likas sa mga Pilipino ang pagiging matulungin na hinahangaan ng mga iba’t ibang lahi sa buong mundo.

Bagama’t hindi pa siya tuluyang nakakaupo bilang Pangulo ng bansa ay nagsimula nang subaybayan ng international communities at unti-unti na rin bumabalik ang respeto sa mga Pilipino.

Sa katunayan, nasungkit ng bansang Pilipinas sa unang pagkakataon ang pinakamataas na pwesto sa International Maritime Organization (IMO), isang specialized agency sa ilalim ng United Nations.

Sa ika-32 pandaigdigang assembly ng IMO noong nakaraang Disyembre 6, napiling Pangulo si Ambassador Antonio Lagdameo.

Siya ang unang nahalal bilang Pangulo ng IMO na kinabi­bilangan ng 174 bansa, isang kinatawan mula sa Pilipinas.

Congrats po, boss! Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang mga Pilipino!

Mandato ng IMO ang kaligtasan at seguridad ng paglalayag sa buong mundo at isinusulong nito na maiwasan ang marine and atmospheric pollution mula sa mga barko at iba pang sasakyang pandagat.

Malaking tulong ang pagkakapili kay Ambassador Lagdameo sa usapin ng West Philippine Sea at napakaraming Filipino seafarers sa buong mundo.

Ang mga pangyayaring ito na pagkakahalal kay Ambassador Lagdameo bilang bagong Pangulo ng IMO at walang humpay na suporta ng taumbayan kay BBM ay malinaw na matutupad na nga ang kaunlaran at muling kikilalanin ang mga Pilipino sa buong mundo.

Magkatugma rin ang panawagan ng BBM-Inday Sara Uniteam sa pagkakaisa ng mga Pilipino kaya walang imposible na ang ­kaunlaran ay makamit na natin.

Isang magandang pagkakataon din ito na lahat ng mga nasimulang proyekto ni Pangulong Rodrigo Duterte ay maipagpapatuloy ng administrasyon ni BBM sa susunod taon.

Babalik na ang Bagong Lipunan sa Pilipinas na matagal-tagal nang inasam-asam ng mga Pilipino.

oOo