Saksi Ngayon : PBBM: MAGKAPIT-BISIG SA PAGLAYA SA COVID, PAGKAKAHATI-HATI

12 June 2022

By Saksi Ngayon

NANAWAGAN si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Linggo sa mamamayang Pilipino na magkapit-bisig para palayain ang bansa mula sa COVID-19 pandemic at paghahati-hati sanhi ng “cancel culture.”

Sa kanyang Independence Day message na naka-post sa kanyang YouTube channel, sinabi ni Marcos na maaari itong makamit ng mga Pilipino sa pamamagitan ng paggamit sa kanilang katalinuhan at katapangan, mga katangian, na ayon sa kanya ay naipasa ng kani-kanilang mga ninuno simula nang proklamasyon ng kalayaan mula sa Espanya (Spain) noong 1898.

Aniya, nakikipag-usap na siya sa mga eksperto hinggil sa plano para makamit ang kalayaan mula sa COVID-19, partikular na para sa mga manggagawa at maliliit na negosyo na labis na naapektuhan ng pandemya.

“Ang kapakanan ng ating mga manggagawa, ang ating mga maliliit na negosyo ang iba’t iba pang mga sektor na hanggang ngayon ay hindi pa nakabalik sa normal… iyan ang mga patuloy pa natin tinatalakay kasama ng lahat ng pinakamagagaling na eksperto,” ayon kay Marcos.

“Sana ay huwag tayong magpasakop sa ganitong pag-iisip. Palawigin ang ating pagrespeto, pagtanggap, at pag-unawa sa isa’t isa,” ayon kay Marcos patungkol sa cancel culture.

Bukod dito, makikipagtulungan ang incoming administration sa mga lider mula sa iba’t ibang bansa partikular na mula sa southeast Asian neighbors ng Pilipinas, upang matulungan ang bansa na maka-recover mula sa epekto ng COVID-19.

Noong nakaraang linggo, nakipagkita si Marcos sa ilang envoys mula sa mga member-countries ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN): Johariah Wahab ng Brunei, Phan Peuv ng Cambodia, Agus Widjojo ng Indonesia, Songkane Luangmuninthone ng Laos, Gerard Ho ng Singapore, Thawat Sumitmor ng Thailand, at Hoang Huy Chung ng Vietnam. (CHRISTIAN DALE)