Saksi Ngayon : Payagan magtrabaho kahit sa lockdown areas BAKUNADONG APOR LUWAGAN – BONGBONG

News & Interviews
17 September 2021

By Saksi Ngayon

UMAPELA si dating Senador Ferdinand “Bongbong ” Marcos sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na pahintulutan makaalis para makapagtrabaho at makauwi pagkatapos ng trabaho ang mga authorized persons outside the residences (APOR) sa mga lugar na nasa ilalim ng granulized lockdown sa Metro Manila.

“Let them go out for a living. And allow them to be with their families after work. It’s their daily routine to get through with this pandemic… financially and mentally,” wika ni Marcos bilang tugon sa mga ipinatutupad na alituntunin ng IATF sa Metro Manila mula pa kahapon.

Sa panuntunang inilabas ng IATF, tanging healthcare workers at mga umuwing OFW ang kinikilalang APOR na may kaukulang pahintulot na dumaan at maglabas-masok sa mga lugar na idineklarang naka-lockdown.

“Bakit pa sila tinawag na APOR kung hindi rin naman pala sila papayagang makalabas ng bahay, hindi ba’t yun naman ang kahulugan ng acronym na iyon?,” bulalas ng dating senador.

Una nang inanunsyo ni Interior Secretary Eduardo Año ang pagsasailalim mula Setyembre 16 ng Metro Manila sa Alert Level 4, pangalawang pinakamahigpit na antas batay sa bagong IATF guidelines.

Base sa IATF guidelines, mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas sa tahanan ng mga residenteng edad 18 pababa, senior citizens na edad 65 pataas, mga may karamdaman (comorbidities), mga tinaguriang immune-compromised at mga buntis – maliban na lamang kung ang pakay ng paglabas ng bahay ay para bumili ng pagkain at gamot at pumasok sa trabahong klasipikadong “essential industries.”

“Ang total lockdowns ay taliwas sa diwa ng pagkakaroon ng APORs at magiging inconsistent ang IATF kung ipipilit nila ito. Nakikiusap tayo sa IATF na hayaan ang mga fully vaccinated APORs na makalabas ng bahay sa mga lugar na may granular lockdowns,” dagdag pa ni Marcos.

Samantala, lumagda naman sa isang joint manifesto ang hindi bababa sa 1,000 negosyante sa kanilang panawagang pahintulutan ang paglabas ng mga bakunado sa kanilang tahanan kahit pa isinailalim sa granulized lockdown ng pamahalaan.

Anila, malaking tulong sa ekonomiya kung papayagan ang mga itong lumabas para maghanapbuhay.

“This move would give establishments an opportunity to bounce back and workers to rebuild their livelihood,” anila.

Sinegundahan naman ito ng dating senador, kasabay ng giit na mahalagang makita at mapatunayan ng iba pang nag-aatubili ang buting dulot ng mga bakunang itinuturok ng gobyerno.

“Malaking bagay rin na maipakita sa mga tao na maraming benepisyo ang pagkakaroon ng kumpletong bakuna upang maalis ang takot ng ilan at mahikayat na silang magpabakuna,” pagtatapos ni Marcos.