Saksi Ngayon : Patuloy sa pag-angat sa survey MARCOS BUBUO NG MALAKAS NA ALYANSA

News & Interviews
4 August 2021

By NELSON S. BADILLA | Saksi Ngayon

SINIMULAN na ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ayusin at palakasin ang kanyang puwersa makaraang ilagay siya ng mamamayang Filipino sa ikalawang puwesto sa labinglimang posibleng tumakbo sa pagkapangulo sa eleksyon sa susunod na taon.

Sa sarbey ng Octa Research nitong Hulyo 12 hanggang 18 na isinapubliko kamakalawa ay naungusan ni Marcos si Manila Mayor Isko Moreno sa pangalawang puwesto.

Nanguna pa rin ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio.

Nitong Hulyo, inamin mismo ni Carpio sa mga mamamahayag sa Cebu na “bukas” siyang tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.

Sa parehong panahon, regular na lumalabas sa mga pahayagan, telebisyon at social media ang pagiging abala ni Moreno sa programang baksinasyon sa mga residente ng Maynila.

Hinikayat din ng alkalde ang mga residente ng ibang lungsod na magtungo sa Maynila dahil maaari silang magpabakuna rito.

Iwinasiwas ito ni Moreno sa media kahit alam niyang limitado ang bakuna ng Maynila.

Si Marcos o BBM naman ay nanatiling tahimik na nagsasagawa ng kanyang serye ng pagtulong sa mga residente sa ilang bayan sa Batangas at munisipalidad ng Pateros sa National Capital Region (NCR) hanggang sa lungsod ng Baguio.

Sa kanyang tahimik na pagdalaw sa ilang lugar, ipinakikilala si Marcos bilang “Citizen BBM”.

Ganyan kasimple lang ang gusto ni Marcos kahit na hindi maipagkakailang moog na ang mga Marcos sa larangan ng paglilingkod sa mamamayang Filipino.

Ayaw magsalita ni Marcos ukol sa halalan kahit na maraming ‘higante’ sa pulitika ng Pilipinas ang humihimok sa kanya na ihayag ang kanyang plano kahit pahapyaw na magpapakita siya ng “interes” na lumahok sa eleksyon.

Maraming “Marcos Loyalist” at “political leaders” sa tinatawag na “Solid North” ang nahimasmasan nang ihayag ni Marcos sa isang media interview na magpapasya siyang tumakbo sa pagkapresidente sa 2022 kung “there is a developing critical mass behind my candidacy'”.

“If there is enough support for me… and if there are candidates, from vice presidents and senators down to congressmen and local government bets that will support and run alongside with me… then I might consider vying for the presidency,” patuloy ng dating senador.

Naniniwala si Marcos na ang mataas niyang iskor sa sarbey ng OCTA ay resulta ng tiwala at kumpiyansa ng mga botante sa kanyang pangalan at mga nagawa sa mamamayang Filipino.

Bukod sa pagiging senador, si Marcos ay nagsilbi ring kongresista at gobernador ng Ilocos Norte.

Hindi nakagugulat ang pagkakalagay ni Marcos sa pangalawang puwesto sa sarbey dahil sa mga unang sarbey ng Pulse Asia mula noong Disyembre ng nakalipas na taon ay agad na pangalawa si Marcos.