Saksi Ngayon : PASYA NG COMELEC IGAGALANG NI BBM

2 February 2022

By Saksi Ngayon

SA gitna ng bangayan sa pagitan ng dalawang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) kung saan dinidinig ang disqualification case laban kay presidential bet Ferdinand “Bongbong” Marcos, tiniyak ng kampo ng dating senador na igagalang nito anoman ang magiging kapasyahan ng poll body.

Sa isang panayam sa radyo, hayagang sinabi ni Atty. Vic Rodriguez na tumatayong tagapagsalita ng pambato ng BBM-Sara UniTeam, na ipinaubaya na nila sa Comelec First Division ang magiging kapalaran ng nangungunang kandidato sa posisyon ng Pangulo, batay na rin mga survey na pinangasiwaan ng iba’t ibang non-government organizations.

Aniya, habang hinihintay ng kanilang kampo ang magiging hatol ng Comelec First Division, patuloy naman ang paghahandang ginagawa ni Marcos at iba pang kandidato sa ilalim ng ticket ng BBM UniTeam para sa nalalapit na pagsisimula ng kampanya sa ika-8 ng Pebrero.

Nanatili namang tikom ang kampo ng dating senador sa hidwaan sa pagitan nina Comelec Commissioners Rowena Guanzon at Aimee Ferolino.

Kabaligtaran naman ng posisyong inihayag ni Rodriguez, tahasang nangusap naman si dating presidential spokesperson Harry Roque na nagpatutsada laban kay Guanzon.

Ayon kay Roque na unang nakilala bilang isang human rights lawyer at law professor ng University of the Philippines, di hamak na mas kwalipikado bilang commissioner ng Comelec si Ferolino na isang career official kumpara kay Guanzon na itinalaga lamang sa pwesto ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino.

Paliwanag pa ng isa sa mga kandidato para senador ng BBM-Sara UniTeam, nagsimula si Ferolino bilang isang pangkaraniwang empleyado ng komisyon bago pa ito naitalaga sa kanyang pwesto bilang komisyonado.

Binigyang diin din ni Roque na kung karanasan lang sa ahensya ang magiging sukatan, milya-milya ang agwat ni Ferolino kay Guanzon. Patunay aniya nito ang mahabang talaan ng mga pwestong hinawakan ni Ferolino mula sa baba ng istruktura ng Comelec.