Saksi Ngayon : Panalo ni BBM sa halalan … TAGUMPAY NG PAGKAKAISA AT MAUNLAD NA PILIPINAS

By Saksi Ngayon

HINIKAYAT ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang lahat ng mga botante sa buong bansa na gamitin ang kanilang karapatang bumoto sa darating na Mayo 9.

Ito ang panawagan ni BBM sa ikalawang miting de avance ng UniTeam na ginanap sa Tagum, Davao del Norte.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos, na number 7 sa opisyal na balota ng Comelec, na ang botong ibibigay sa kanya at sa kanyang running mate na si Mayor Inday Sara Duterte ay ang boto na makakatulong upang mapagkaisa at lalong mapaunlad ang bansa na sinubok at patuloy na bumabangon dahil sa dumating na pandemya.
“Sa darating na Lunes, ang pagboto niyo sa tambalang Marcos- Duterte, ang pagboto niyo sa lahat ng senador ng UniTeam, ay ang tinig ng ating mga kababayan, ng madlang Pilipino, na kayo ay bumoboto para sa kinabukasan, kayo ay bumoboto para sa bawat mamamayang Pilipino at kayo ay bumoboto para sa pagkakaisa,” sabi niya.
“Ang boto niyo para kay Marcos at para kay Duterte at sa UniTeam ay ang boto para sa pagmamahal sa Pilipinas kaya napakahalaga po ng inyong boto, napakahalaga na kayo’y pumunta sa mga presinto at sama-sama tayong bumoto sa darating na halalan,” dagdag pa niya.

Sinabi din ni Marcos na responsibilidad ng bawat Pilipino ang bumoto upang kanilang maihalal ang lider na sa tingin nila ay makakatulong at magsisilbi sa bansa.

Ayon sa standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas, na bitbit ang mensahe ng pagkakaisa simula ng ianunsiyo niya ang kanyang intensiyong tumakbo, na kung sila ang mahalal at mapipili ng taumbayan, magsisikap ang buong UniTeam na ipagpatuloy ang kilusang pagkakaisa na binuo ng mga tao.

“Kapag tayo ay nagtagumpay at maipagpatuloy ang inyong nasimulan na kilusan ng pagkakaisa bago pa ang halalan, ang boto niyo ay boto ninyo para ipagpatuloy ang kilusan ng pagkakaisa para sa mamayang Pilipino (at) para sa minamahal na Pilipinas,” sabi niya.

“Ganoon po ang kahulugan ng inyong boto dito sa halalan na ito at kung kayo po ay napupusuan ninyo ang UniTeam, ang tambalang Marcos- Duterte, kami ay nangangakong gagawin namin sa aming kakayahan, sa buong sipag na walang pagod at patuloy na pagtatrabaho para sa ating bansa upang sama-sama tayong babangon muli,” wika niya.

Sa naganap na miting de avance ay muling ipinakita ng mga taga-suporta ng UniTeam ang kanilang lakas matapos na libo-libo ang pumunta sa City Hall Grounds sa kabila ng malakas na pag-ulan bago pa magsimula ang program upang makita lang ng personal si Marcos at Duterte.

Tinatapos ng UniTeam ang kanilang 90-day campaign sa pagsasagawa ng tatlong miting de avance sa Luzon, Visayas, at Mindanao, na nagsimula sa Guimbal, Iloilo nito lang Mayo 3.

Nananatiling nagpapasalamat si Marcos sa suportang nakuha nila simula ng unang araw ng kampanya.
“Naramdaman po namin ang suporta ninyo kung saan kami nagpapasalamat sa taumbayan sa napakainit na suporta. Ngayon lang tayo nakakita ng mahigit kumulang 60% ng tao ng Pilipinas ay nasa atin na at sumasama satin at nakikipagsanib pwersa sa atin,” sabi niya.

“Kaya dito sa kampanyang ito ay napuna ko na ang natanggap namin ay hindi lang suporta ninyo ngunit ang inyong pagunawa na ang pagsuporta niyo samin sa UniTeam ay hindi lang suporta para sa mga kandidato kung hindi suporta para sa pagkakaisa at pagpapabuti ng buhay ng bawat Pilipino,” aniya.

Kasama ni Marcos at Duterte ang kanilang senatorial bets na sina Senator Sherwin Gatchalian, Atty. Larry Gadon, Harry Roque, Gibo Teodoro, Robin Padilla, Jinggoy Estrada, Mark Villar at Migz Zubiri.

Ilang lokal na opisyal mula sa iba’t ibang panig ng Mindanao ang sumama din sa miting de avance ng UniTeam.
Bago ang programa, nagkaroon ng maliit na pagpupulong si Marcos kasama ang mga kandidato ng Hugpong ng Pagbabago sa lalawigan sa pangunguna ni vice governor Rey Uy.

Dumalo rin si Sagip Party-list representative Rodante Marcoleta sa naturang pagtitipon.

Nakatakdang matapos ang three-leg miting de avance ni BBM at Sara kasama ang kanilang senatorial bets sa Mayo 7 sa Parañaque City.