Saksi Ngayon : PAGKAKAISA NG BANSA KAY BBM RAMDAM NA

By Saksi Ngayon

RAMDAM na ang pagkakaisa ng buong bansa para kay incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bagama’t sa Hunyo 30, 2022 pa ito pormal na magsisimulang manungkulan.
Sa pulong kasama ang mga miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC) kamakalawa ng gabi, sinabi ni incoming House Speaker Martin Romualdez, “The theme of the campaign of President BBM was unity and that’s what I environ most in NPC, you always have this unity in the party, tonight I see this unity, I see this unity spreading not just within Congress, but within the country.”
Ang NPC ay mayroong 39 miyembro na nanalo sa katatapos na Congressional election habang sa Senado ay may apat na senador ang mga ito na kinabibilangan nina Senators-elect Francis Escudero, Loren Legarda, JV Ejercito at Sherwin Gatchalian.
Halos selyado na ang Speakership bid ni Romualdez dahil nakiisa na rin ang lahat ng political party na siya ang mamumuno sa Kamara sa 19th Congress at nagpahayag ng suporta sa incoming Marcos administration.
Kabilang sa mga partidong nagpahayag ng suporta, hindi lamang sa United Congress kundi sa United Philippines ang Nacionalista Party (NP), buong Lakas-CMD, National Unity Party (NUP), Liberal Party (NP), PDP-Laban at mayorya sa party-list congressmen.
“When you work together as one, we can face all these challenges together, with that, I’m assured that this country will rise again and succeed,” pahayag pa ni Romualdez.
Samantala, balik-trabaho ang mga mambabatas ngayong araw matapos ang tatlong buwang recess para bigyang daan ang nagdaang eleksyon.
Prayoridad sa pagbabalik sesyon ng Kongreso ang pag-canvass sa boto ng mga presidential at vice presidential candidate na pinanalunan ni Marcos at runningmate nito na si presumptive Vice President Sara Duterte.
Gagawin ito sa pamamagitan ng joint session ng Kongreso bukas, Martes at sa Miyerkoles ay sisimulan ang canvassing of votes na inaasahang tatagal sa loob ng dalawang araw para sa Biyernes, May 27, ay maipoproklama na sina Marcos at Duterte. (BERNARD TAGUINOD)