Saksi Ngayon : PAGBILI NG COVID VAX PASPASAN – BONGBONG MARCOS

News & Interviews
1 September 2021

By Saksi Ngayon

KUMPLIKADONG proseso ang nakikitang dahilan ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa likod ng makupad na vaccine rollout ng gobyerno, kaya naman ang kanyang panawagan – pahintulutan ang local government units (LGUs) na bumili ng bakuna.

Ayon kay Marcos, kailangang rebisahin ng gobyerno ang kanilang proseso sa pag-angkat ng COVID-19 vaccines mula sa ibang bansa kung nais nitong mahagip ang target na herd immunity. Dapat din aniyang iwaksi ang red tape sa prosesong puntirya ng mga LGU sa gitna ng kapos na suplay na dumarating sa kani-kanilang lokalidad.

“To ensure enough and continuous stocks of vaccines, the government procurement agency must simply cut through the red tape,” saad ni Marcos bilang tugon sa panawagan ng mga gobernador at alkalde mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Aniya, hindi dapat maging kampante lalo pa’t nagbabala na rin ang World Health Organization (WHO) sa sitwasyon ng Pilipinas. Ayon sa WHO, dapat pagtuunan ng pamahalaan ang higit na mabagsik na coronavirus mutated strain na kilala bilang Delta variant na siyang itinuturong dahilan sa mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Sa tala ng Department of Health, mahigit 22,000 kada araw ang tinamaan ng COVID-19 ngayong linggo. Higit pang nakaaalamarma aniya ang pag-aaral ng OCTA Research Group na nagsabing tataas pa ito sa 25,000 kada araw bagamat hindi naman umano ito sasampa sa 30,000 kada araw.

“The WHO has confirmed the community transmission of Delta variant which to me signifies an urgent call to action for our procurement officials to bypass the usual procedure to hasten the importation of vaccines,” diin pa ng dating senador.

Pinuna rin ni Marcos ang umano’y tila pagpapatulog ng gobyerno sa tripartite agreement na isinusulong ng LGUs at private sector na hangad lamang ay mabilis at sapat na bakuna para sa kani-kanilang nasasakupan.

Lihis din aniya ang pagpapatumpik-tumpik ng gobyerno sa mga probisyon ng Republic Act 11525 (COVID-19 Vaccination Program Act of 2021) na nagbibigay laya sa mga LGU at pribadong sektor na bumili ng kanilang sariling bakuna sa ilalim ng isang multi-party agreement (MPA) kasama ang pamahalaang nasyunal.

“For one reason or another, such agreement appears to have been virtually mothballed despite persistent appeals by the local officials and leaders of the private sector to have the MPA signed by their counterpart in the national government,” sambit ng tila dismayadong anak ng Ilocandia.

“In fact, a resolution has been filed with the Senate urging the Committee of the Whole to look into the MPAs which have reportedly been submitted to the national government but remained unsigned by its representatives. Malinaw ang kahandaan ng LGUs sa kagyat na pangangailangang mabakunahan ang kani-kanilang mamamayan… pero mas malinaw na ang problema talaga ay ang supply ng bakuna,” ani Marcos sa patumpik-tumpik na bakunahan sa kabisera.

“Lalo naman sa mga probinsiya kung saan ang hinaing ng ating LGUs ay ang kakapusan ng supply ng bakuna… kaya ang panawagan natin sa national government ay kailangan talagang ayusin ang pag-angkat ng COVID-19 vaccines. Naniniwala ako na higit na makatutulong sa paglutas ng nasabing problema kung pairalin na ang MPA upang makagalaw ang initiative ng private sector at ng LGUs.”